KUNG kailan naman pababa na ang ningning ng kanyang bituin ay saka naman mas umaariba pa ang kaangasan ng isang male personality na usung-uso ang pag-arte tuwing Kapaskuhan dahil sa pagiging hamonado.
Wala na nga siyang maipagmamalaking acting at tanging ang katawan niya na lang ang bitbit niya sa ipinagyayabang niyang career ay siya pa ang kung umasta ay parang kailangang-kailangan siya ng industriya.
Nu’ng minsang magsadya sa isang opisina ng pamahalaan ang may kaangasang male personality ay inaasahan siguro niyang pagkakaguluhan siya. Katanghaliang-tapat, pero para siyang miyembro ng riding in tandem na balot na balot ang mukha at katawan, naka-shades pa siya na pagkalaki-laki.
Kuwento ng aming source, “Magpanggap bang sikat siya? E, kung nu’n ngang bagets pa siya, e, hindi rin naman siya talaga sikat, magaling lang magbenta ng personality ang mga humahawak sa career niya!
“Isinama siya sa isang grupo ng mga kalalakihang nagpapa-sexy sa stage, ginawa siyang bida sa mga serye, matindi ang promo niya! Pero ang acting niya, e, huwag n’yo nang ipagtanong pa, sakit siya ng ulo ng mga directed by na humawak sa kanya.
“Hindi kasi niya maibuka nang maayos ang bibig niya, ang tigas-tigas ng face niya kahit sa anong eksena, palagi siyang cause of delay dahil sa paulit-ulit niyang takes kahit sa mga simpleng eksena lang,” napapailing na komento ng aming impormante.
Naloka ang mga nakakita sa male personality sa isang government office, halos hindi na makita ang face value niya, matindi kasi ang ilusyon niya na baka siya pagkaguluhan. Pero sorry na lang sa kanya.
“Magtigil siya! Ni wala ngang nagpa-picture taking sa kanya! Diyetang-diyeta siya sa atensiyon, wala nang interesado sa kanya, kaya sorry na lang sa kanya, ‘no!” nakataas pa ang kanang kilay ng aming source habang naglilitanya.
Naku naman, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, hindi kayo madidiyeta sa clue, bigay na bigay na kung sino ang maangas na aktor na ito, pramis!