Hindi mahirap pumili ng SENADOR

MAS mahirap pumili ng mayor.

Baka may utang na loob ka o ang iyong pamilya sa kanya at bilang tapat sa usapan at tunay na Pinoy, kailangang bayaran ito sa pamamagitan ng pagboto sa kanya sa Mayo 13, bagaman kamakailan ay nadiskubre mo na dapat ay isuka na siya ng taumbayan.

O kundi nama’y wala ka nang magagawa dahil si mayor pala ang pinakamagaling sa salamangka, kaya talagang hindi mahirap pumili ng mayor.

Pero, kung ikaw nama’y taga-Maynila, ang tinitingala ng buong bansa dahil ito ang imperyong lungsod at pinagmumulan ng kahit anong uso basta bago, tumawa ka na lamang dahil ang nagbabangayan (mali ang bansag ng isang pahayagang pula ang pahina uno na nagsasabunutan sila.

Ano sila, dalawang bakla?) ay matatanda at para silang mga bata na nagsusumbatan sa dinilaang sorbetes.

Hindi rin mahirap pumili ng mga konsehal. Nang dahil sa dami nila, wika nga sa Batangas, pati busisi ay napipili, pati ang na-barik na parating patay-lasing ay naluluklok.

Kaya nga, wala pang naisusulat sa kasaysayan na nagkaroon na tayo ng matinong konseho, lalo na sa Maynila at Quezon City (kahit nga lukaret na artista ay nananalo, susme).

Hindi rin mahirap pumili ng congressman, lalo na ang tongresman na ang kupit ay ipinamumudmod niya sa mahihirap (hindi siya si Robin Hood o Nardong Putik na holdaper, na ang kinulimbat ay ipinamimigay sa tunay na mahihirap, di tulad ng conditional cash transfer ng Ikalawang Aquino).

Ang malakas at mandarayang kandidato sa Kamara ay mananalo rin naman, sa ayaw at sa gusto mo.

May “choice,” sa Tagalog, may magagawa, ka ba?,  kaya naman, wala ka nang magagawa at napakadaling pumili ng congressman.

At dahil 14 na araw na lamang at hangalan na (sige, tawagin natin iyang eleksyon alang-alang sa alang-alang), mahirap daw pumili ng 12 kandidatong (susme, tong na naman ang tunog, at di ba’t nagbangayan sila sa milyones at isang babae, hindi lalaki, ang mas malakas ang loob para tawagin ang isa sa mga kagalang-galang na ipokrito?).

Kung ikaw ay kabilang sa milyun-milyong mahihirap ayon sa gobyerno (na hinihiritan pa ng anak nina Ninoy at Cory, at sinabing dalawang rehiyon lamang ang hilahud), hindi mahirap pumili ng senador.

Tingnan mo nga naman ang mga pahayagang pangmayayaman.

Ang kanilang itinalang isyu na dapat pagnilay-nilayan at limiin ay ang Reproductive Health Law.

Kahit hinimay na’t ipinaliwanag ng matatalino’t kagalang-galang na mga senador ang RH sa mahihirap, hindi pa rin nila maiintindihan iyan dahil parati silang gutom, at nalilipasan ng gutom.

Ang mahihirap na parating gutom at nalikipasan ng gutom ay di nakauunawa sa RH Law.

Para sa milyun-milyong botante sa hanapbuhay ng hudikatura, alam nila na isinakay lamang sa tsubibo ang bansa para ma-impeach si Renato Corona bilang chief justice, o punong mahistrado ng Supreme Court, dahil hindi ang batas at hudikatura ang ibig masibak si Corona kundi ang…

Para sa mahihirap, ang maraming buwan ng bista sa impeachment ay panakip at panlunod ng isang opisyal sa kanilang hinaing kontra pagdarahop at gutom.

Natuwa nga sila nang magtanong si Lito Lapid (ows, senador ba iyan?)

Pero mas lalo silang natuwa nang makita sa panggabing balita sa telebisyon na nakangiti’t natuwa rin si Loren Legarda nang magtanong si Lito Lapid.  Ha!

Mas lalong nahilo ang mahihirap nang palutangin ang isyu ng political dynasty.

Dahil ang alam nilang dynasty, na sintunog at bigkas ng dynamite, ay kendi o babolgam, depende sa may gilagid at ngalangala.

Sa kanilang bayan, o lungsod, sa lalawigan, ang hari ay naghahari.

Kapag namatay ang hari, ang reyna ang iluluklok, o ang prinsipe, o prinsesa, o kondesa, atbp.

Pero, hindi kailanman si Juan Taumbayan.

Wala na sina Claro Recto, Jose Diokno, Lorenzo Tanada, Gaudencio Padilla, Arturo Tolentino, Soc Rodrigo.

Napakaraming bugok na kandidato ang tumatakbo pagka senador.

Wala na ngang makabayan at tunay na nagmamahal sa bayan.

Sa bilao ng mga bugok, may pagpipilian ba ang pobreng hilahud?

Read more...