Kilalang hunk actor walang kwentang maging boyfriend

BLIND ITEM MALE 0316

MATAGAL na nakarelasyon ng isang aktres ang isang hunk actor. Naging maayos ang kanilang pagsasama, pero isang araw, ang inaasahang forever para sa magkarelasyon ay nauwi rin sa wala.

Nagdesisyon ang female personality na tapusin na ang lahat sa kanila ng hunk actor, nahirapan na siyang makisama sa guy nu’ng mga huling panahon, hanggang ngayon kapag tinatanong ang aktres tungkol sa kanyang ex ay napapangiwi na lang siya.

Bakit nga ba parang tumatayo ang mga balahibo ng aktres kapag napag-uusapan ang nakaraan niyang pakikipagrelasyon sa hunk actor? Meron ba siyang karanasang hinding-hindi malilimutan tungkol sa lalaki?

Kuwento ng isang source, “May kakaiba rin kasing ugali ang lalaking ‘yun, feeling kasi niya, e, nasa kanya na ang lahat-lahat. Parang kung ano ang gusto niyang mangyari, e, ‘yun na ang dapat masunod.

“Pero marunong naman siyang bumawi, mahilig kasing bumiyahe ang guy, talagang isinasama niya kahit saan ang girlfriend niya, in fairness.

“Pero parang mas mahal kasi ng guy ang sarili niya, ang mga ambisyon niya, parang napag-iiwanan ang relasyon sa list of priorities niya. Mas mahal ng guy ang sarili niya,” napapailing na kuwento ng impormante.

Ganu’n din diumano ang dahilan kung bakit nakikipaghiwalay sa aktor ang iba pa niyang mga nakarelasyon. Nakatutok ang lalaki sa kanyang mga ambisyon.

“Kahit naman tanungin n’yo si ____ (pangalan ng isang aktres na matagal ding nakarelasyon ng hunk actor), e, ganu’n din ang sasabihin niya. Hindi rin niya kinaya ang sangkatutak na gustong mangyari ng guy sa buhay niya.

“Sabi nga ng mga nakakarelasyon niya, e, mahal na mahal niya ang sarili niya. Pangalawa lang ang lahat para sa kanya, sarili muna niya ang palaging una.

“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kilalang-kilala n’yo kung sino ang bumibida sa ating kuwento. Alin ba ang mas gusto n’yo? Ang sumigaw kayo ng ‘Action!’ o ang sumigaw kayo ng ‘Cut!’ Pili na!” pagtatapos ng aming source.

Read more...