EWAN lang kung bibigyan pa ng atensiyon at panahon ni James Yap ang mga huling hirit ni Kris Aquino. Ilang araw pa lang kasi ang nakararaan ay nagpatutsada si Kris na sana raw naman ay mag-effort din ang basketbolista para makita at makasama ang kanyang anak.
Isa pang arya ni Kris ang pagsasabing sana raw ay diretso na lang na sinabi ni James kay Bimby ang pagkakaroon nila ng anak ni Michela Cazzola at hindi ‘yung ganu’n na sa social media lang nalaman ng bata ang pagiging bagong ama niya.
Kung matatandaan ay nagsabi si James nu’n na napagod na siya sa kagustuhan niyang magkasama sila ni Bimby, gusto niyang maka-bonding ang kanyang anak, pero hindi niya naman ito nakukuha dahil meron na raw naunang lakad na naiayos si Kris para sa kanilang mag-iina.
Mas bibigyan pa siguro ng panahon ngayon ni James Yap ang pakikipag-ensayo sa bago niyang koponan sa PBA. Maglalaro na siya para sa Elasto Painters sa susunod na kumperensiya, pinakawalan siya ng Star Hot Shots, sa pagiging player niya na ngayon ng Rain Or Shine ay mapupunta naman sa Hot Shots bilang kapalit niya si Paul Lee.
Kesa sa makipagtalo kay Kris ay mas gagamitin na lang siguro ni James Yap ang kanyang panahon ngayon para “makilala” ang mga bago niyang kasama sa pagdidribol at pagsu-shoot sa tropang Rain Or Shine.