Interest ng pera ng OWWA Fund, nasaan nga ba?

MASAYANG nakakuwentuhan ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM si Labor Secretary Silvestre Bello III.

Una, binati namin siya sa maraming accomplishment ng Department of Labor Employment sa unang tatlong buwan niya sa panunungkulan.

Nang maitalaga ni Pangulong Duterte si Bello bilang kalihim ng DOLE, kaagad itong tumulak patungong Saudi Arabia upang ipamahagi ang P500 milyong financial aid para sa mga OFWs na stranded sa Saudi.

Blockbuster ang financial aid na bitbit niya para sa mga OFW nating apektado ng mga nagsarang mga kumpanya sa Saudi, pati mga kapamilya nila kasama din sa mga nabigyan ng tulong pinansiyal na ipinamahagi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Dinalaw rin ni Bello ang pamilya ng OFW na biktima ng paulit-ulit na panggagahasa ng kanyang amo na ikinamatay nito. Nangako si Bello na tututukan ng Duterte administration ang naturang kaso.

Naitayo rin ang kauna-unahang one stop shop para sa mga OFW na binubuo ng 14 ahensiya at kasalukuyang nasa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), sa tulong na rin ng administrador nito na si Hans Leo Cacdac, na ngayon ang siyang bagong administrador ng OWWA.

Masayang ibinalita rin ni Bello na itatayo nila ang OFW Bank na maglilingkod sa ating mga OFW upang ang kanilang mga remittances ay hindi lamang nakadepende sa mga commercial banks na pagkatataas ng interest rates sa panahong mangungutang ka.

Nilinaw rin ni Bello na hindi P20 bilyong ang kakailanganing capital sa pagtatayo ng naturang bangko.

Mahigit sa P1 bilyon lamang at hindi lalagpas ng P2bilyon dahil nais ‘anya ni Pangulong Duterte na commercial bank ang itatayo at hindi lamang isang thrift bank.

Ayon sa report, gagamitin ‘anya ito ang pera mula sa pondo ng OWWA.

Ngunit may hinahanap pa si Bello. Sa laki ng pondo ng OWWA na nakalagak sa bangko, nasaan ang kita nito sa interest pa lamang?

Wala ‘anyang record sa OWWA na may pumasok na kita ang naturang pera sa halip ang OWWA pa ang nagbabayad ng management fee pa sa mga bangko.

Iyan ngayon ang hinahanap din ng Bantay OCW sa OWWA.

Samantala ang mga OFW na dati rati’y nagtatampo sa mga dating pangulo na hindi sila nadadalaw man lamang kapag nasa abroad ang mga ito, higit naman ang kanilang pasasalamat ngayon dahil palagi silang kasama sa schedule ng pangulo.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, mula alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...