Deadline sa PBA Draft inurong sa Oktubre 19

INIURONG ng Philippine Basketball Association (PBA) sa Oktubre 19 ang deadline ng application para sa 2016 PBA Rookie Draft dahil kasalukuyan pang plinaplantsa ng liga ang memorandum of agreement (MOA) nito sa Samahang Basketbol ng Pilipinas.

Naunang itinakda  sa Oktubre 14 ang deadline para sa mga nais lumahok sa taunang Draft.

Ang naturang MOA ay para sa dalawang magkahiwalay na Draft na nakatakdang gawin sa Oktubre 30.

Plano ng PBA na magkaroon muna ng isang regular na Draft bago magsagawa ng isa pang Draft para sa 12 Gilas cadet players.

Gayunman, habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa nabubuo ng SBP ang 12-man roster ng bagong Gilas team.

Ilan sa mga inaasahang mapipili para sa Gilas pool ay sina Mac Belo, Kevin Ferrer, Roger Pogoy, Mike Tolomia Russell Escoto, Ed Daquiaog at Jio Jalalon.

Hindi pa rin malaman kung makakasali sa Gilas sina Bobby Ray Parks at Kiefer Ravena na nagnanais maglaro sa NBA D-League.

Unang pipili sa 2016 PBA Rookie Draft ang Blackwater Elite habang ang No. 2 pick ay hawak ng Phoenix Petroleum. Susundan ito ng Barangay Ginebra, Mahindra, Star, San Miguel Beer, Meralco, NLEX, Rain or Shine, Barangay Ginebra, Alaska at Phoenix, ayon sa pagkakasunod.

Read more...