Bumaba ang bilang ng mga pamilya na nagsabi na sila ay mahirap, batay sa survey ng Social Weather Station noong Setyembre.
Naitala ito sa 42 porsyento, mas mababa sa 45 porsyento na naitala noong Hunyo at sa 46 porsyento noong Abril. Pinakamarami ang nagsabi na sila ay mahirap sa Visayas na naitala sa 56 porsyento, sumunod ang Mindanao na may 49 porsyento, National Capital Region na may 36 porsyento at iba pang bahagi ng Luzon na may 34 porsyento.
Bumaba rin ang bilang ng pamilyang Pilipino na nagsabi na pangmahirap ang kanilang pagkain. Naitala ito sa 30 porsyento na mas mababa sa 31 porsyento na naitala noong Hunyo at Abril. Pinakamarami ang nagsabi na pangmahirap ang kanilang pagkain sa Mindanao (41 porsyento), sumunod ang Visayas (36 porsyento), iba pang balanse ng Luzon (24) at National Capital Region (20). Ang survey ay ginawa mula Setyembre 24 hanggang 27. Kinuha ang opinyon ng 1,200 respondents.