STABLE na ang kundisyon ng dating teen actor na si John Wayne Sace matapos mabaril sa Pasig City noong Lunes.
Nainterbyu na siya ng TV Patrol at nagdenay ngang lulong siya sa paggamit ng ilegal na droga. Nadamay lang daw siya sa naganap na pamamaril na ikinamatay ng isa niyang kaibigan.
“Meron akong pinsan na ‘yun ‘yung kaibigan ni Erik na tumawag sa akin para humingi ng slurpee na iniinom ko, wala pa akong five minutes na nakatayo doon ‘yun na. Kung ako po ‘yung target hindi po nila ako bubuhayin,” pahayag niya.
Napilitan lang daw siyang sumuko sa Oplan Tokhang dahil ayaw siyang tantanan ng mga pulis.
“Ilang beses na akong binabalik-balikan sa bahay hanggang sa ginigising na nga nila ako kahit tulog pa ako. Isipin mo po ‘yun?” pahayag pa ng dating Kapamilya teen star.
Sabi naman ng tiyuhin ni John Wayne na si Alfredo Sumalinog, totoong gumagamit ng droga ang kanyang pamangkin pero hindi raw ito adik. Hindi pa rin daw nila alam hanggang ngayon kung bakit idinamay ng mga suspek si John Wayne.
Nabatid na nasa watch list ng Pasig Police ang dating aktor at ang kaibigan nitong namatay.