Naging mainit at muntik mauwi sa suntukan ang unang araw ng pagdinig sa planong pag-amyenda sa 1987 Constitution kahapon.
Tumayo si Surigao del Note Rep. Robert Ace Barbers at nilapitan si Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay sa upuan nito matapos silang magkasagutan.
Kaya ipina-adjourn na lamang ang pagdinig sa House committee on constitutional amendments ng walang napagkasunduan.
Sa pagdinig, hinarang ni Pichay ang mosyon na irekomenda sa plenaryo ang paggamit ng ConAss— ang pagsasama ng mga kongresista at senador upang amyendahan ang Saligang Batas.
Sinabi ni Pichay na ang dapat gawin ay magpasa muna ng resolusyon ang Kamara at imbitahin ang Senado na sumama sa kanila upang mag-convene ng ConAss.
Nairita si Barbers sa mosyon at sinabi na hindi dapat pagtuunan ng pansin ng komite ang mga ‘stupid’ na bagay gaya ng mungkahi ni Pichay.
“Mr. Chairman let us not entertain these senseless motions. Those are stupid motion,” ani Barbers. “Let us not pretend to be constitutionalists here.”
Dahil dito ay sinuspendi ng chairman ng komite na si Leyte Rep. Roger Mercado ang pagdinig.
Tumayo naman si Barbers at nilapitan si Pichay sa upuan nito.
Nagkamurahan ang dalawa at tumayo na rin si Pichay. Naawat naman ang dalawa bago pa man makapagsuntukan. Nag-adjourn na lamang ang pagdinig ng komite.
Hindi magkaprobinsya ang dalawa subalit kilalang magkalaban ang mga ito dahil sinusuportahan nila ang kalaban ng isa’t isa.
Humingi naman ng paumanhin si Barbers sa taumbayan at hindi kay Pichay.
“Sorry sa taumbayan. Uncalled for yung ginawa ko,” ani Barbers. “Kung may nasagasaan ako, humihingi ako ng patawad. My apology is not to him (Pichay). Mali ko doon ay nagsalita ako ng masama na dala rin ng pagsasalita niya.”
Sa unang bahagi ng pagdinig ay iniurong ng ilang kongresista ang kanilang panukala na gumamit sa Constitutional Convention sa pag-amyenda ng Saligang Batas matapos na magbago ang isip ni Pangulong Duterte at pumayag sa paggamit ng ConAss mode.