Update: Hostage taker, mall goer patay sa SM Dasmariñas drama

cavite

PATAY ang dalawa katao sa dalawang-oras na hostage drama sa loob ng SM mall sa Dasmariñas City, Cavite.
Nasawi ang suspek na si Carlo Marcus Lacdao, 32, matapos pagbabarilin ng mga rumespondeng pulis.
Kinilala naman ang isa pang namatay na si Roberto Rosales, 48, na nasa loob ng mall nang manghostage ang suspek. Si Rosales ay taga Dasmariñas City.

Itinama ng Cavite police ang nauna nitong ulat matapos namang pangalanan si Jollabelle Sumalin bilang isa sa mga namatay.
Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni Cavite police chief Sr. Supt. Arthur Bisnar na nanggaling si Lacdao sa Dulag, Leyte at pumasok ng mall ganap na alas-12:45 ng hapon.
Ayon sa ulat, hinahanap ni Lacdao ang kanyang misis na si Erna, na nagtatrabaho bilang janitor na nakatalaga sa restroom ng mall.

“(Lacdao) was reportedly jealous of one of his wife’s colleagues,” sabi ni Bisnar.
Nang hindi makita ang kanyang misis, sinimulan ni Lacdao na pagsasaksakin ang mga tao sa loob ng mall gamit ang isang kutsilyo.
Idinagdag ni Bisnar na kabilang sa mga sugatan ay sina Sumalin, Rodel Lozano, at Michaela Mae Honor.
Sinabi pa ni Bisnar na ginawa ring hostage ni Lacdao ang isa pang babae na si Mylene Balajadia.

“We tried to negotiate (for the release of the hostage) but he would not surrender,” dagdag ni Bisnar.

Ayon pa kay Bisnar, walang nagawa ang mga pulis kundi paputukan na ang suspek sa kanyang katawan.
Sinabi pa ni Bisnar na nirerepaso na ng pulis ang mga footage mula sa security camera ng mall para mabatid kung paano nakapagpasok ng kutsilyo ang suspek sa loob ng mall.

Read more...