1M pirma sa Marcos burial di dapat dedmahin ng SC

MATAPOS makakalap ng isang milyong lagda, pormal nang isinumite sa Kataastaasang Hukuman ang liham-panawagan na humihiling na payagan na ang paglilibing kay dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).

Ito’y matapos maglunsad ng signature campaign para sa isang milyong pirma para sa paglilibing kay Marcos sa Libingan.

Umabot sa 1,158,606 ang lagdang nakalap sa pamamagitan ng house to house at online, na nagsusulong para tuluyan nang mailibing ang dating pangulo sa himlayan ng mga bayani.

Paniwala kasi nila na ang pagpapalibing sa dating pangulo sa Libingan ang siyang magtatapos ng alitan at daan para maghilom ang sugat ng nakaraan.

Kasama ring nakalakip ang isang malaking sorbre na naglalaman ng liham-petisyon, na sumisimbolo kung gaano ang pagnanais ng nakararami para maihatid na sa kanyang huling hantungan ang dating pangulo.

Malamang na kung mas mahaba-haba lang ang pagkakataon ay baka hindi mahigit isang milyon lang ang nakalap na pirma na nagnanais na mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Hindi pa ba sapat ito para ikonsidera ng Korte Suprema ang hiling ng pamilya Marcos na mapagbigyan na sila sa kanilang hiling. Hindi lang ang pamilya Marcos, mga kaalyado nito kundi mga mamamayan mismo ang nais na maihimlay na ang dating pangulo sa “Libingan”.

Makakalap din kaya ang mga dilawan ng mahigit isang milyong signature para harangin ito?

May punto ang sinabi ng abogado ng pamilya Marcos na si Hyacinth Rafael-Antonio na ang isang milyong lagda ng mga tagasuporta ng mga Marcos ay mga mamamayang Pilipino rin na dapat pakinggan ng Korte.

Nauna nang nagsumite ang pamilya Marcos ng posisyon kung saan iginiit nila na naaayon sa batas ang pagpapalibing kay Marcos sa LNMB bilang isang dating pangulo ng bansa at pagiging sundalo nito.

Malaki ang pasasalamat ng panganay na anak ni Marcos na si Ilocos Norte Governor Imee sa suportang patuloy na tinatanggap ng kanyang pamilya sa pagsusulong ng kanilang hangarin na maihatid na sa huling hantungan ang ama.

Tiwala anya ang kanyang pamilya na makikinig ang Korte at papabor ito sa nais nila at ng mahigit 1 milyong lumagda para rito.

Sa usaping legalidad, asahan na kukuwestyunin ng mga kontra sa libing ang veracity ng mga lagda.

Hindi imposible na sabihin na pawang peke ang mga pirma.

Hindi dapat ibalewala ng kampo ng mga Marcos ang posibilidad na ito. Kailangang paghandaan at kung kailangang iharap ang ilan sa mga lumagda ay iharap nila.

Isang pagtitibay yan na sinsero ang nais ng mamamayan na gusto nilang mailibing si Marcos sa libingan, at ang kanaisan na ito ay para pambansang paghihilom, kapayapaan at pagkakaisa, at hindi para sa ano pa man.

Kaya ngayon ang panawagan natin ay para sa Korte Suprema na wag balewalain ang mga lagdang ito dahil pagpapatunay na maraming boses ang gustong maihimlay na si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Read more...