BALIW-BALIWAN din ang mag-inang Sylvia Sanchez at Arjo Atayde dahil kapag sinumpong silang mag-asaran ay talagang hindi sila nahihiya maski na mabasa pa ito ng iba.
Base kasi ito sa nasulat na tanggap ni Ibyang na mas magaling sa kanyang artista ang anak sa pagganap nito bilang Joaquin Tuazon sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Pinasalamatan muna ni Arjo ang nagsulat ng artikulo at narito ang naging takbo ng usapan ng mag-ina.
Arjo: “Naks naman!”
Ibyang: “Pasalamat ka sa tiyan ko ikaw nggaling!!!”
Arjo: “Ayoko. Ikaw magpasalamat AKO ‘yung LUMABAS. Hahahahaha!
Ibyang: “Pwes, lahat ng TF (talent fee) mo na nasa akin, akin na lahat ‘yon, bayad mo sa akin ‘yon sa pagdala ko sa ‘yo ng 9 mos. Ang hirap mo kayang dalhin, ang takaw mo!”
Arjo: “Yung totoo AKO (matakaw) or Ikaw????
Ibyang: “Pwes! Di na ako mag-grocery! Magutom ka!”
Arjo: “Ha-hahahaha!”
Ibyang: “Tawa pa more!! Totoo yan!! Kala mo ha!!”
At habang natatawa kaming binabasa ang kulitan ng mag-ina ay tumatawag naman ang aktres at sinabi naming, “Nakakaloka kayong mag-ina, binu-bully ninyo ang isa’t isa.”
“Ganu’n kasi kami talaga mag bully-han ni Arjo, pag kulitan, walang nanay at anak, pero alam naman nila kung hanggang saan sila. Pag naiba na ang tono ko, tahimik na siya, silang lahat,” tumatawang sabi rin ng aktres.
Timing din na habang kausap namin si Ibyang ay papunta siya ng grocery, “Heto nga, uunahin kong mag-grocery at wala ng pagkain sa bahay,” sambit niya.
Samantala, may offer palang indie film si Ibyang, babasahin palang daw niya ang script. Sabi namin, dapat nga masundan na ang huli niyang pelikula na “The Trial” dahil 2014 pa iyon.
“Babasahin ko pa ang script. Pang Cinemalaya (2017) daw. Alam mo naman di ba, matagal ko nang gustong gumawa ng indie film para maiba naman, ‘yung kakaibang istorya, e, may mga nag-offer dati,
kaso hindi tugma sa schedules,” paliwanag ng aktres.
Sabi namin maliit lang ang bayad sa indie film at kulang pa ito sa mga pagkaing baon niya na nasa loob ng kanyang sasakyan.
“Ha-hahaha! Sira ulo ka Bonoan. Hindi problema sa akin ang talent fee basta gusto ko ang project, alam mo ‘yan!” mabilis na sagot ng aktres.
Kung walang aberya at type ng aktres ang script ay isisingit daw niya itong i-shoot ng Nobyembre ngayong taon habang nagti-taping din siya ng The Greatest Love na kasalukuyang umaani rin ng papuri mula sa manonood.
Walang detalyeng binanggit pa sa amin si Ibyang kung anong production at sino ang direktor ng indie film, “Saka na, secret muna.”
“Tagal ko na kayang gustong gumawa, hindi lang natutuloy, four indie films na ang tinanggihan ko dahil hindi kaya ng schedule, actually sikat nga ‘yung mga direktor na natanggihan ko, saka mga co-star ko. Sayang nga hindi talaga kinaya,” pahayag pa ni Mama Gloria ng seryeng The Greatest Love.