NAGKAROON ng reunion noong Miyerkules ang mga athletes at sports officials na responsable sa matagumpay na partisipasyon ng Pilipinas sa Rio de Janeiro Olympics.
Ito ay ginanap sa Passion Restaurant sa Resorts World at hosted ng TV 5 na siyang official coveror ng Olympics noong nakaraang Agosto.
Natural na star-studded ang affair na dinaluhan ng silver medalist na si Hidilyn Diaz na siya nating pambato sa weightlifting event.
Natural na pinagkaguluhan si Hidilyn at madami ang nagpakuha ng larawan sa kanya. Kabilang na ako sa nakipagsiksikan upang magkaroon ng hindi lang isa kungdi apat na kuhang kasama niya. Mayroon pang group shot ha. Hehehe.
Sayang nga lang at nagmamadali si Hidilyn dahil sa mayroon pa siyang ibang commitments sa ganap na 3 p.m. E, 2 p.m. na nagsimula ang affair sa Resorts World. Kaya naman matapos pagbigyan ang mga nais magpakuha ng larawan ay lumabas na siya ng venue at naiwan na lang ang ibang atleta at sports officials.
Ilang questions lang tuloy ang naibato namin sa kanya ni kasamang Zaldy Perez.
Pero sabi ko naman kay Zaldy na napanood ko naman ang bio ni Hidilyn na kamakailan ay ipinalabas sa Maalaala Mo Kaya ni Charo Santos. So, alam ko na kung ano ang kanyang pinagdaanan.
Ayon kay Hidilyn ay hindi naman niya inaasahan ang silver medal. Okay na daw sa kanya ang bronze medal.
Sa puntong sure bronze na siya ay alam niyang naghahabol ang isang Korean lifter at ipinagpalagay niyang malalampasan siya.
So, sa puntong iyon ay nagpasalamat na siya sa Diyos dahil sa nakakuha siya ng bronze medal.
Hindi niya inakalang silver pala ang nakalaan para sa kanya! Kaya naman feeling niya ay sobra-sobra ang biyayang natanggap niya sa Panginoon.
At dahil doon ay patuloy siyang magsisikap upang mabigyan ng karangalan ang Pilipinas. Umaasa siyang makakapunta sa 2020 Tokyo Olympics kung saan pipilitin niyang maiuwi ang kauna-unahang gintong medalya ng ating bansa.
Ito ay sinang-ayunan ni TV 5 Sports head Vincent “Chot” Reyes na nagsabing, okay lang na silver muna ang napanalunan natin sa Rio.
“Kasi naman ay 20 years nating hinintay na muling magkaroon ng medalya. Kaya masaya na tayo sa silver,” ani Chot. “Pero ngayong nakakuha na tayo ng silver, siyempre, aasintahin natin ang gold four years from now.”
At idinagdag ni Chot na kasama ng Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission at ng buong bansa ang TV 5 sa pagtugis sa gintong medalya.
Inihayag ni Reyes na katuwang na ng POC at PSC ang TV 5 sa paghahatid sa ating mga kababayan ng mga kaganapan sa susunod na Southeast Asian Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Tuluy-tuloy ang pagtulong ng TV 5 sa sports sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
