TAWA kami nang tawa sa naulinigan naming chikahan ng isang grupo nang magsadya kami sa isang lugar na pinagbibilhan namin ng masasarap na klase ng tinapay.
Maingay nga naman ang kuwento ng pagkasakote ng mga otoridad kay Mark Anthony Fernandez sa Pampanga, ‘yun ang ilang araw nang naka-headline sa mga tabloid, iba-iba ang bersiyon ng kuwento kaya humaba na nang humaba ang istorya.
Napakainit pa ring inuupakan sa social media si Andi Eigenmann, hindi naisalba ng ingay ng pagkahuli kay Mark Anthony ang matinding inis ng mga netizen sa aktres, paborito pa ring panghimagas hanggang ngayon ng marami nating kababayan ang pagbira kay Andi.
Tanong ng isang babae sa kanyang katabi, bakit daw tahimik na tahimik ngayon ang mundo ni Kris Aquino, nasaan na raw ba ang TV host at ano na ang kanyang mga pinagkakaabahalan?
Natawa kami sa komento ng bumabangkang babae sa kuwentuhan, “Naku, hindi makapapayag si Kris na kinakabog siya ng ibang mga personalities, mag-iingay rin siya, wait lang kayo kung ano naman ang pasasabugin niyang balita!”
Nakakatawa dahil masyado nang nata-typecast si Kris Aquino sa mga kuwento ng kabugan. Kapag may pinag-uusapang personalidad ay hindi siya makapapayag na masolo nu’n ang entablado.
Siguradong gagawa at gagawa rin siya ng ingay para makuha niya ang antensiyon ng publiko. Pero ano naman kayang kuwento ang papuputukin ni Kris?
Mukhang naging malagihay na ang kuwento ng paglipat niya ng network, wala nang masyadong interesado sa pagsasarado ng pintuan para sa kanya ng ABS-CBN, ano kaya ang kuwentong pasasabugin ni Kris Aquino kung meron man?
Sabi uli ng babae, “Uso ang istorya ng drugs ngayon, malay mo, baka umamin din siya na minsan, e, gumamit din siya ng drugs! Wala lang, para lang siya mapag-usapan!”