Mga Laro sa Sabado (Mall of Asia Arena) 2 p.m. UST vs UE 4 p.m. Adamson vs UP Team Standings: La Salle (7-0); FEU (5-2); NU (4-3); Ateneo (4-3); Adamson (4-3); UST (2-5); UP (1-6); UE (1-6)
PINIGILAN ng nagtatanggol na kampeong Far Eastern University ang matinding pagbalikwas ng National University sa ikaapat na yugto upang itakas ang 78-75 panalo at okupahin ang ikalawang puwesto sa pagtatapos ng first round ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena.
Naglahong parang bula ang 13 puntos na abante ng FEU Tamaraws matapos na umatake ang naghabol sa kabuuan ng laro na NU Bulldogs sa krusyal na huling walong minuto sa paghulog ng 18-5 atake upang itabla ang laro sa 71-all, may 2:04 pa sa laro.
Ginawa ni Rodolfo Alejandro III ang 16 sa kanyang personal at team-high na 30 puntos sa ikaapat na yugto upang pamunuan ang Bulldogs na makabalikwas sa pagkakaiwan sa 66-53 iskor.
Gayunman, nakawala si Ron Marvis Dennison sa natitirang 1:45 ng laro para ibalik sa Tamaraws ang abante bago nagawa ni Richard Escoto na i-follow-up ang sablay ng kakampi matapos puwersahin ang Bulldogs sa turnover para sa apat na puntos na abante, 75-71.
Nagawa pang itaas ng Tamaraws sa 77-72 ang abante bago naghulog ng isang tres si Matthew Salem upang ilapit ang Bulldogs sa 75-77, may 4.8 segundo na lamang sa laro.
Pinilit ng Bulldogs na itulak sa overtime ang laban sa pagbigay ng foul kay Wendell Comboy III na isa lamang ang naipasok sa kanyang dalawang free throws sa natitirang 2.8 segundo. Nakuha ng Bulldogs ang bola matapos sumablay sa kanyang tira si Comboy subalit kinapos na matapos maubos ang oras.
Umangat ang Tamaraws sa kabuuang 5-2 panalo-talong karta habang nahulog ang Bulldogs sa ikatlong puwesto sa 4-3 panalo-talong rekord.
Samantala, tinalo ng Adamson University Soaring Falcons ang season host University of Santo Tomas Growling Tigers, 79-52, upang itala ang ikaapat nitong panalo sa loob ng pitong laro.
Nahulog naman ang UST sa ikalima nitong kabiguan kontra sa naisagawang dalawang panalo.