MAHABA ang ipinost na mensahe ni Megastar Sharon Cuneta sa kanyang Facebook account nu’ng Martes ng gabi, may kinalaman ito sa nangyayaring kaguluhan sa politika na aniya’y nakakaapekto na sa kanyang personal na buhay.
Inamin dito ni Sharon na isinumpa niya sa kanyang sarili noon na hinding-hindi siya mag-aasawa ng isang politiko dahil alam niya kung gaano ito kagulo at kahirap. Lumaki siya sa mundo ng pulitika dahil matagal na nanungkulan ang kanyang yumaong amang si Pablo Cuneta bilang mayor ng Pasay City.
Pero siguro raw dahil sa kaaayaw niya sa politician, isang politiko pa rin ang itinadhana sa kanya sa katauhan ni Sen. Kiko Pangilinan.
Narito ang ilang bahagi ng napakahaba at punumpuno ng emosyong Facebook status ni Mega.
“Right now I am so sad. I don’t understand why I have ended up here, not only where I love being, which is showbiz, but in politics where I grew up having a mayor as a father and swearing to myself I would never marry a politician (I saw Daddy being used, abused, misunderstood, hurt, taken advantage of too many times. And sometimes I never saw him at all).
“Well, as they say, ‘Man plans and God laughs.’ Isn’t that so true. Artista at mang-aawit at TV show host lang po ako. Napakarami naming hindi pinagkasunduan ni Kiko sa paniniwala sa politika mula pa nung umpisa. Pero dahil may respeto kami sa isa’t isa, hindi na namin kailangan pang isa-publiko ang mga diskusyon naming mag-asawa noon o ngayon.
“Noong panahon ng laban ni FPJ at ni GMA, obvious ba best friend ko si FPJ at ang puso at panininwala ko ay buong-buong nasa kanya? Pero hindi naman din maganda na iwanan ko ang asawa ko at sa publiko bastusin ang kanyang paniniwala kay GMA. PERO HINDI AKO NAGSALITA O NANGAMPANYA. Buti na rin lang nakapag-usap kami ni FPJ ng maayos at since malawak ang kanyang pag-iisip, madali kaming nagkaintindihan.
“Siya pa nga ang nagsabing huwag ko nga iisipin yon at pag tapos na lahat ng politikang ito, kami pa rin ang magkaibigan. Sabagay, di naman kami puede maging best friends kung di siya matalino.
“Nitong huling eleksyon, napansin niyo ba wala akong kinampanya para pangulo? Dahil kay Sen. Grace Poe. Mahal ko siya. Mahal ko si Tita Susan. Pamilya ko sila. At kahit kaibigan ko si Sec. Mar at Korina, hindi ko maikukumpara ang history namin ng mga Poe sa kanila. Si Inday (Mayor) Sara Duterte, kaibigan ko siya since 2012. At hanggang matapos ang lahat ng ito, alam ko magiging magkaibigan pa rin kami.
“Pasensiya na po pero pangit talaga yung kaibigang nang-iiwan ng walang sapat o acceptable na dahilan. I have been hurt and betrayed so many times that I find it very difficult to trust anyone nowadays. Also, napagod na ako na nawawalan o nababawasan o pinagdududahan ng kaibigan.
“Ang dami-dami-dami ko pang gustong banggitin na pangalan na kaibigan pero huwag na lang. Nalulungkot lang ako. Di ko naman kasalanan na Senador at may sariling paninindigan ang asawa ko, at sa maniwala kayo at hindi, sang-ayon man kayo sa kanya o hindi, MATINO SIYANG TAO.
“MABUTI SIYANG TAO. MAKADIYOS, MAKAPAMILYA. PINAGMAMALAKI KO ANG PRINSIPYO NIYA. Tama o mali, asawa ko siya. At di po ba, mas mali naman yung awayin ko siya sa publiko?
“SANA MAGKAISA AT MAGKAAYOS-AYOS NA ANG LAHAT NG NAGSISILBI SA BANSA NATIN.
WALA NAMANG IBANG PARAAN. DI LANG MGA POLITIKO ANG NAG-AAWAY, KUNDI TAYO-TAYO NA RING MGA MAGKAKAPATID NA PILIPINO. ANO BA NAMAN YON?
“Kung may kinaiinisan ako, yon ay ang pumasok si Kiko sa pulitika. Kasi gusto ko buhay na tahimik pag nagretire na ako. Gusto ko magpaligaya lang ng tao. Ayoko na nawawalan o pinagdududahan ng kaibigan kasi sobra akong loyal at totoong kaibigan, lalo kung dahil lang sa pagiging tiga-politika ng asawa ko. At yun ang calling niya eh.
“Sana lang kahit sana one month bago ako mamatay, IBIGAY NAMAN NG PANGINOON ANG IISANG DINASAL KO NA DI NAIBIGAY SA AKIN.
“ALAM NAMAN NIYA NA INUNA KO ANG AKALA KONG MAKAKABUTI SA MGA MAHAL KO SA BUHAY KESA SA IKALILIGAYA KO. GUSTO KO MAMATAY NA KUMPLETO ANG PUSO KO, DI GUTAY-GUTAY, DI KULANG.”