MATAPANG na nagbigay ng mensahe ang Kapamilya teen actor na si Grae Fernandez sa pagkakaaresto sa kanyang amang si Mark Anthony matapos itong mahulihan ng isang kilo ng marijuana.
Habang sinusulat ang balitang ito, nakakulong pa rin ang aktor sa isang presinto sa Pampanga.
Nag-tweet si Grae tungkol sa kinasasangkutan kontrobersiya ng ama na may hashtag na #markanthonyfernandez.
Ayon sa binatilyo, “No matter what people say about you, I will always be proud to be your son because you’re the best dad!”
Bukod sa kanyang mga kaibigan at kapamilya, nag-comment din sa kanyang tweet ang nanay ni Kathryn Bernardo na si Mommy Min. Nagpasalamat naman si Grae sa suporta nito sa kanya.
Nagkasama sa seryeng Pangako Sa ‘Yo noong 2015 sina Kathryn at Grae kaya naging malapit din ito sa mommy ni Kath.
Si Grae ay panganay na anak ni Mark Anthony sa dating asawang si Melissa Garcia.
Sa isang panayam noon kay Grae, sinabi nitong alam niyang nagumon sa drugs ang kanyang tatay at pumasok sa isang rehab center noon.
At nang tanungin kung paano niya iiwasan ang mga ganitong bisyo, “Alam ko naman na po how I will counteract with confidence.”