Sex mahalagang usapin ngayon

NOONG una, ang umano’y sex video ni Sen. Leila de Lima ang mainit na pinag-uusapan.

Nang hingian ng reaksyon si Speaker Pantaleon Alvarez kung payag siya na maipalabas ang naturang video sa pagdinig ng House committee on justice umani ito ng mga reaksyon— karamihan ay negatibo.

Ang Justice committee ang nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng operasyon ng drug syndicate sa New Bilibid Prison noong si de Lima pa ang kalihim ng Department of Justice.

Wala namang sinabi si Alvarez na ipalalabas ang kontrobersyal na video (na kinukuwestyon din kung authentic o peke) sa pagdinig pero marami ang kumausap sa kanya upang pigilin ito.

Sabi ni Alvarez ang mga miyembro ng komite ang magdedesis-yon nito at hindi siya.

Kung siya nga ang tatanungin, palagay niya ay sapat na ang mga narinig sa komite upang makagawa ng batas para hindi na maulit ang bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa oblo. Pero bahala raw ang komite, sila ang nakakaalam kung kailangan pa nilang magsagawa ng pagdinig pero sana ay hindi na raw ito pahabain sabi ni Speaker.

Palagay ng iba ang video ang magpapatunay na talagang malakas kay de Lima ang nagpapatakbo ng drug syndicate sa loob.

Sumunod naman ang isyu ng same sex marriage.

Kung ayaw pakialaman ng mga kongresista ang isyung ito, marami sa kanila ay ayaw magbigay ng posisyon— si Alvarez pa mismo ang nagsabi na nagpapagawa siya ng panukalang batas kaugnay nito.

Si Speaker ang naglakas-loob na maghain ng ganitong panukala (o baka mali ako, hindi ako naghanap nang mabuti sa listahan ng mahigit 3,000 panukala at resolusyon na inihain sa 17th Congress).

Kahit na ‘yung mga kongresista na alam naman namin ay “tabingi” hindi naghain ng ganitong panukala dahil alam nila na katakot-takot ang kontrobersya na kanilang aabutin.

Iniisip kasi nila na kung magiging mabango sila sa kanilang kabaro ay tagilid sila sa Simbahang Katolika na tiyak na tututol dito.

Ang inaabangan ng lahat ay kung mayroong sasama kay Speaker sa kanyang ihahaing panukala. Kung mayroong magiging co-author.
May kaugnayan din sa sex ang isyu kaugnay ng budget ng Reproductive Health aka family planning.

Sabi ni Alvarez panahon na upang harapin ng bansa ang problema kaugnay ng malaking populasyon ng bansa.

Kung sa Malaysia na kasing laki ng Pilipinas, ang populasyon ay nasa 30 milyon lamang, ang populasyon ng ating bansa ay mahigit 100 milyon.

Siyempre, mas maraming tao mas marami ang maghahati-hati sa serbisyo na naibibigay ng gobyerno.

Kung may nabibigyan ng serbisyo mas marami ang hindi na inaabot kasi nga sa sobrang dami.

Kung sa budget ng 2016 ay nagtagumpay na bawasan ng P1 bilyon ang budget ng Reproductive Health, malamang mahirapan na gawin ito ulit sa susunod na taon.

Sabi ni Alvarez babantayan niya ang budget ng family planning.

Read more...