PNP, AFP ang dapat mag-explain

bandera-4HALA! Paano yan, hindi nila itinuturing na kalaban ang kanilang tinambangan?

Ang tinutukoy ko ay ang pananambang kay Mayor Ruthie Guingona ng Gingoog City, maybahay ni dating Vice President Teofisto Guingona at ina ni senador TG Guingona.

Nakaligtas ang alkalde sa pananambang pero hindi ang mga bodyguards niya.

Maaaring hindi aminin ng New People’s Army sa Northern Central Mindanao ang pananambang pero sa tingin ko, internally, may mangyayaring pagsusuri sa kanilang ginawang pananambang.

Una, ang mga Guingona bagaman hindi nila kaalyado, ay masasabing may progresibong kaisipan at maaaring kayang umunawa o nakadarama ng mga bagay na ipinaglalaban ng NPA.Sa tingin ko, magbabago ang posisyon ng mga lokal na opisyal na kundi man sumisimpatiya ay hindi naman tahasang tumututol sa pag-iral, galaw at operasyon ng NPA sa kani-kanilang lugar.

Puwedeng maging collateral damage ang mga pulitiko kahit na ang pagtaya o perception sa kanila ay hindi naman kalaban ng NPA.

Ang Philippine National Police kasama na ang Armed Forces ang dapat na magpaliwanag kung bakit nakapagtatayo ng checkpoint ang NPA lalo na ngayong panahon ng eleksiyon.

This is a matter and a function of law enforcement.

Sa panig naman ng NPA-National Democratic Front sa Northern Central Mindanao at siguro sa kabuuan na, bukod sa pag-ako ng pananambang, may dapat ding ipaliwanag kung paano ba nila pinipili ang kanilang mga target?

PTC! Naalala ko ang tatlong letrang ito dahil sa ambush na nangyari sa nanay ni senador TG Guingona.

PTC as in Permit to Campaign na ang nag-iisyu ay New People’s Army o NPA.

Malaking usapin ito na unang pumutok noong 2004 Elections at ang kumpirmasyon ko rito bilang mamamahayag ay nakuha ko pa mismo noon sa aking naging panayam kay dati at yumaong CPP-NPA spokesperson Gregorio “Ka Roger” Rosal nang siya ay makapanayam ko sa isang bayan sa lalawigan ng Quezon.

Yung ipinakita ni Ka Roger sa akin noon ay isang maliit na piraso lamang ng papel na gawa mula sa cartolina na may plastic cover, hindi yung laminated ha, yung ordinaryong plastic lang, na kung saan, nakalagay doon ang pangalan ng kandidato na pinahihintulutan na mangampanya sa mga itinuturing na zoning guerilla o yung tinatawag naman ng militar o ng Armed Forces of the Philippines na NPA influenced or infiltrated barangays.

Noong unang pumutok ito sa media, parang kuwestiyunable pa, parang di katanggap-tanggap.

Pero ilang eleksiyon na ang kasunod mula noong ito ay unang pumutok sa media. Sa ngayon, normal na ito, ordinaryong bagay at kasama sa mga pinaghandaan sa kampanya ng mga kandidato sa lokal man o pambansang posisyon, aminin man nila o hindi.

Read more...