ANG PAKIKIPAGLABAN na ginawa ng komedyanteng si Melai Cantiveros sa relasyon nila ni Jason Francisco ay kahanga-hanga. Naturingang nagkokomedya, pero ang pagrespeto ni Melai sa kasal ay napakasagrado, ‘yun ang dahilan kung bakit hindi niya pinabayaang mauwi sa wala ang relasyon nila ni Jason.
Sabihin nang maling-mali ang lalaki sa pagiging seloso, sabihin na nating walang tiwala sa sarili si Jason dahil kahit sino na lang na mapalapit kay Melai ay pinagseselosan nito, para kay Melai ay ganu’n talaga ang mga paghamong maeengkuwentro ng isang mag-asawa.
Hinanapan pa rin niya ng positibong dahilan kung bakit kailangan niyang ipaglaban ang kanilang pagmamahalan, hindi siya makapapayag na basta na lang lumaki ang kanilang anak na si Mela na walang tatay, ‘yun ang dahilan kung bakit nilunok ng komedyana ang kanyang pride sa pagpunta sa Mindoro para sunduin ang nakipaghiwalay niyang asawa.
At pagkatapos ng ilang buwan ay heto, nagdadalantao na uli si Melai, madadagdagan na ang kanilang pamilya. Sabi nga, mas matamis daw ang ikalawang pagkakataon, kaya agad na nabuo ang magiging kapatid ng kanilang panganay.
Kahanga-hanga si Melai Cantiveros na positibo ang pananaw sa maraming bagay. Kung ibang babae lang ang komedyana, siguro’y isang magandang kuwento na naman ang nasa basurahan ngayon, salamat na lang at ang mga kakapusan ni Jason ay napupunuan ng ilaw ng kanilang tahanan.
Sana’y huwag na uli silang subukin ng panahon, magpalawak na sana ng isip si Jason Francisco, nakakatakot kasi kapag ang mabait na tao ay napuno na.