Double OPBF title fight sa Bacoor

PAREHONG pasok sa  timbang sina dating Oriental and Pacific Boxing Federation (OPBF) champion Ardin “Jackal” Diale at ang kanyang wala pang talong katunggali na si Ryan “Singwangcha” Lumacad sa official weigh-in na ginanap kahapon sa opisina ng Games and Amusements Board (GAB) main office sa Makati City.

Sina Diale at Lumacad ay nakatakdang magsagupa ngayon sa isang 12-round championship fight para sa bakanteng OPBF Silver super flyweight crown sa Strike Gym sa Bacoor City, Cavite.

Si Diale ay tumimbang sa 114 pounds habang si Lumacad pumalo ng 115 pounds.

“Malaki ang respeto ko kay Diale. Magaling siya na boxer at beterano. Pero gagawin ko po ang lahat upang manalo sa kanya. Magandang laban po talaga ito,” sabi ng 24-anyos na si Lumacad.

Gayunpaman hindi natatakot si Diale sa kanyang mas batang kalaban.

“Handa na po akong labanan siya. Mas beterano rin ako sa kanya,” sabi ng 28-anyos na si Diale, na may record na 31 panalo, 10 talo, 3 tabla at 15 knockouts.

Nawala kay Diale ang  OPBF flyweight matapos na mapatumba siya sa ikaapat na round laban kay Daigo Higa ng Japan sa kanyang unang title defense na ginanap noong Hulyo 2 sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.

Pasok sa timbang sina dating World Boxing Council (WBC) Asian Boxing Council at International light flyweight champion Richard “Explosive” Claveras at Jeronil “El Diamante” Borres na magtutuos sa isang 8-round title fight para sa bakanteng OPBF Silver flyweight crown.

Tumimbang si Claveras ng 114 lbs habang si Borres naman ay may timbang na 111 lbs.

“Gusto kong maging kampeon muli,” sabi ni Claveras (15 panalo, 2 talo, 2 tabla at 13 KOs).

Huling pinabagsak ni Claveras si Juan Purisima sa ikasiyam na round noong Hunyo 10 sa Mandaluyong City.

Ang wala pang talo at  20-anyos na si Borres ay nangako namang gagawin ikawalo niyang biktima si Claveras.

Ang double OPBF championship ay tinaguriang “Knockout: The Best of the Best” boxing card sa ilalim ng MP Highland at United International Promotions.

Ito ay suportado nina Sen. Manny Pacquiao, Rep. Strike Revilla at Mayor Lani Mercado-Revilla.

Maglalaban naman sa main supporting bout sina 2012 London Olympic boxer Mark Anthony Barriga ng Panabo City at Powell Balaba ng Tagbilaran sa walong round na bakbakan.

Read more...