Jodi, Bridges Of Love ni Maja nominado sa Emmy Awards

jodi sta maria at maja salvador

MULI na namang kinilala ang ABS-CBN sa International Emmy Awards dahil nakakuha ng nominasyon ang Kapamilya actress na si Jodi Sta. Maria at ang teleseryeng Bridges Of Love para lumaban sa prestihiyosong kumpetisyon ngayong taon.

Tumanggap ng nominasyon si Jodi para sa kanyang natatanging pagganap bilang si Amor Powers sa 2015 remake ng Pangako Sa ‘Yo. Lalaban siya sa Best Performance by an Actress category kasama sina Judi Dench (United Kingdom), Grazi Massafera (Brazil), at Christiane Paul (Germany).

Samantala, lalaban naman ang Bridges Of Love sa Best Telenovela category sa mga telenovela mula sa Canada at Brazil. Ang nasabing serye ay tungkol sa malalim na ugnayan ng magkapatid na sina Gael (Jericho Rosales) at JR (Paulo Avelino), na pagbubuklurin ng pangako nila sa isa’t isa, paglalayuin ng isang trahedya, ngunit pag-uugnayin ng iisang babae – ang club dancer na si Mia (Maja Salvador).

Ito ang kauna-unahang Filipino drama na ipinalabas sa Latin American region. Tanging si Jodi at ang Bridges of Love lang mula Pilipinas ang nakasama sa 40 nominees na kinilala sa 10 kategorya at 15 bansa sa Emmy Awards this year.

Read more...