PINATAY sa saksak at chinop-chop pa ni Glen ang tiyahing si Normita sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.
Ayon sa report ng pulisya, sinisingil ni Normita ang pamangkin sa utang nitong 10,000 UAE Dirhams na ikinagalit ni Glen. Ito ‘anya ang siyang nagtulak ditong pagsasaksakin ang kaniyang tiyahin at matapos pagputol-putulin ang katawan ng biktima, itinapon ito sa iba’t-ibang bahagi ng UAE.
Gayong sa Abu Dhabi isinagawa ang krimen, itinapon sa iba’t-ibang lugar ng UAE ang katawan ni Normita. May natagpuan sa Al Warqa’a, Dubai at Ajman kung saan napabalitang sinunog pa ang mga kamay at ulo ng biktima.
Matindi ang galit ni Glen sa tiyahin. Kung utang lamang at nasingil ito, hindi sapat na dahilan iyon upang patayin at pagputol-putulin pa ang katawan ni Normita, ang kaniyang sariling kadugo.
Nakalulungkot isiping nangyayari ang ganitong mga krimen. Gayong hindi ito halos paniwalaan ng kanilang mga kamag-anak, nangyari na ang hindi inaasahan.
Nabubuhay na nga tayo sa mga panahong napaka-mapanganib. Wala na halos pagkatiwalaan ang tao. Wala nang kadugo at mga kaibigan. At dahil sa salapi, nagiging posible ang lahat ng mga imposible.
Bakit nga ba nangangailangan pa ng maraming pera ang ating mga OFW gayong kung tutuusin pa nga, hamak na napakalaki ang kanilang kinikita kung ikukumpara sa mga manggagawa dito sa Pilipinas na parehong trabaho din naman ang kanilang ginagawa?
Sa maraming mga bansa, marami tayong mga OFW ang nabibigla sa marangyang pamumuhay sa abroad. Lalo pa’t kung nasanay sa hirap, lumaki sa hirap at dati-rating naghihikahos sa buhay. Sasamantalahin nila ang lahat na pagkakataon na mabuhay nang maalwan at matikman naman ang masarap na buhay.
Bukod pa sa mga bawal na pakikipag-relasyon sa ibayong dagat, ang iba’y malululong sa masasamang bisyo tulad ng alak at sugal. Lubog din sa utang ang marami gamit ang napakaraming mga credit cards. Madali kasing makakuha ang OFW ng credit card sa abroad. Halos ipagpilitan pa nga sa kanila ang mga iyon.
Pero ang pinakamatindi sa lahat ng mga ito, kung sinimulan na nilang tikman ang mga ipinagbabawal na gamot.
Siyempre kailangan nila ng mas maraming pera. Kahit malaki pa ang kita sa abroad, kukulangin at kukulangin pa rin iyon.
Minsan natuturete na rin ang ating mga OFW sa walang kamatayang hingi ng mga kamag-anak sa Pilipinas. Kung kaya’t palusot nang ilan, pati ilegal na mga gawain pinapasok na nila tulad ng pagtutulak ng droga upang makapagpadala lamang ‘anya ng pera sa kanilang mga mahal sa buhay.
Hanggang kailan nga ba titigil ang walang katapusang pangangailangan ng tao sa salapi?
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com