Mitra, iba pa kinasuhan sa fertilizer fund scam

sandiganbayan
Sinampahan ng kasong graft at malversation si Games and Amusement Board chief Abraham Mitra kaugnay ng maanomalya umanong paggamit nito ng kanyang fertilizer fund noong siya ay kongresista pa ng Palawan.
     Bukod kay Mitra kasama sa kasong isinampa sa Sandiganbayan ang mga opisyal ng Department of Agriculture na sina Dennis Araullo, Gregorio Sangalang, Balatas Torres, Lucille Odejar at Raymund Braganza at mga board of trustees ng non-government organization ng GabayMasa Development Foundation Inc., na sina Margie Luz, Concha Idica, Ma. Cristina Vizcarra, Carded Tajon, Melencio Punzalan at Rodolfo Luz.
     Ayon sa Ombudsman noong Abril 22, 2004 hanggang Disyembre 2004 ay nakatanggap si Mitra ng P3 milyong pondo sa ilalim ng Farm Implements Program para sa ikalawang distrito ng Palawan.
     Minadali umano ang paglilipat ng pondo sa GabayMasa na agad binayaran ng 65 porsyento o P1.95 milyon noong Abril 2004 na isa umanong paglabag sa inaprubahang Memorandum of Agreement.
      Sa ilalim ng MOA ang dapat na ibinigay na halaga ay 20 porsyento lamang ng kabuuang P3 milyong pondo para sa naturang proyekto.
      Noong Disyembre 29, 2004 ay inaprubahan naman umano ang pagbabayad ng P1.05 milyon sa GabayMasa kahit na hindi ito nakasunod sa reportorial requirements at mga kondisyon ng MOA.

Read more...