HANGAD ng Philippine Super Liga (PSL) na maipakita ang pinakamaganda nitong kampanya sa pagsali nito sa 2016 FIVB Women’s Club Championship sa SM Mall of Asia Arena sa Oktubre 18-23.
Ito ay matapos na pagsama-samahin ang kinukunsidera nitong pinakamahuhusay na volleyball players ng liga at pagtalaga sa isang kilalang Serbian bilang bago nitong head coach.
Sinabi ni PSL president Ramon “Tats” Suzara na makukumpleto na ngayong linggo ang buong koponan na tampok ang anim na dayuhan at anim na local players na sasabak kontra sa pinakamahuhusay na club teams sa buong mundo.
Kinuha rin ng koponan bilang head coach si Moro Branislav ng Serbia para palitan si Fabio Menta ng Italy.
“We were waiting for him to be available. He is really our first choice,’ sabi ni Suzara patungkol sa pagkuha nito sa 59-anyos na si Branislav bilang head coach ng PSL Manila.
Si Branislav ay katatapos lamang sa pagkumpleto ng kanyang kontrata sa North Korea.
Makakasama ni Branislav si Japanese Shun Takahashi para giyahan ang PSL Manila spikers.
Nauna nang dumating sa bansa si Takashashi dalawang linggo na ang nakakaraan.
Si Branislav, na isang Level 3 FIVB coach, ay nakahawak na din ng mga club teams sa Yugoslavia, Greece, Romania, Tunisia, Saudi Arabia, Kuwait, Libya at Belarus.
Samantala, dumating na sa bansa sina Ekaterina Krivets ng Russia at Yevgeniya Nyukhalova mula sa Ukrain upang samahan ang iba pang miyembro ng koponan.
Makakasama nito ang mga Pinay na sina 6-foot-6 middle hitter Alyja Daphne Santiago (Foton), 6-foot middle hitter Mika Reyes (F2 Logistics), 5-foot-11 Open hitter Frances Xinia Molina (Petron), 5-foot-8 OP Jovelyn Gonzaga (RC Cola-Army), 5-foot-8 setter Kim Fajardo (F2 Logistics), 5-foot-2 libero Jennylyn Reyes (Petron) at ang team captain at 5-foot-10 open hitter na si Rachel Anne Daquis ng RC Cola.
Kabilang ang PSL-Manila sa Pool A na kinukunsidera na pinakamalakas sa torneyo.
Makakatapat ng koponan dito ang defending champion Eczacibasi Vitra Istanbul, Pomi Casalmaggiore na isang Italian League Division 1 contender at Rexona-SESC Rio, na kabilang ang ilang Olympians ng Brazil. —Angelito Oredo
PSL All-Stars hahataw sa FIVB Women’s Club Championship
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...