Brillante Mendoza kay Lav Diaz: Walang kumpetisyon sa amin, magkaibigan kami!

brillante mendoza at lav diaz

WALANG kumpetisyon at walang “silent war” na namamagitan sa dalawang award-winning director na sina Brillante Mendoza at Lav Diaz.

Iniintriga kasi ngayon ang dalawa matapos mapili ang “Ma’Rosa” ni direk Dante bilang official entry ng Pilipinas sa 2017 Oscars para as Best Foreign Language Film category. Nagwaging best actress si Jaclyn Jose sa pelikulang ito sa nakaraang Cannes Film Festival.

Hindi nakapasa sa panlasa ng Film Academy of the Philippines ang pelikula ni direk Lav na “Ang Babaeng Humayo” kahit nagwagi pa ito ng Best Film (Golden Lion) sa nakaraang 2016 Venice Film Festival.

Nakachika namin si direk Brillante kasama ang iba pang piling miyembro ng entertainment media sa presscon ng kanyang 2-minute film na ipinrodyus ng RiteMed para sa kanilang bagong ad campaign at dito nga nagpaliwanag ang direktor tungkol sa isyu sa kanila ni direk Lav.

“Wala, walang competition doon. Unang-una, magkaibigan kami ni Lav. Actually, nag-congratulate ako sa kanya at sumagot siya kaagad, tapos after that iba na ‘yung pinag-usapan namin, hindi yung mga pelikula namin kung hindi may ibang bagay kaming pinag-uusapan,” esplika ng Cannes best director.

Masayang-masaya si direk Dante dahil dumating na ‘yung tamang panahon para makilala rin sa buong mundo ang mga pelikulang Pinoy. Nanawagan pa nga siya sa publiko na suportahan ang pelikula ni Lav na “Ang Babaeng Humayo” na showing na sa Sept. 28 sa mga sinehan. Ito’y pinagbibidahan nina Charo Santos at John Lloyd Cruz.

“Suportahan natin ang pelikulang ito, kasi kung ano ang success ni Lav Diaz ay success ng lahat ng independent filmmakers,” chika pa ng “Ma’Rosa” direktor.

Samantala, napapanood na ngayon ang 2-minute film ni direk Brillante sa telebisyon titled “Pagpupugay”. Ito’y isang madamdaming pagsasalarawan ng mga pagpupunyagi ng isang asawa, kapatid, magulang, anak, kapamilya o professional caregiver sa pag-aalaga nila sa mga may sakit.

In fairness, isa kami sa napaiyak ng bagong campaign ad ng RiteMed dahil kahit paano’y nakaka-relate kami sa ilang eksena rito. Binigyan ni direk Dante ng bagong mukha ang nasabing materyal.

Sa usaping sakit kasi, ang atensyon ng lahat ay karaniwang naka sentro sa pasyente. Ang mga nag-aalaga ay kadalasang hindi napagtutuunan ng pansin at napapahalagahan.

Nagsanib-pwersa ang RiteMed at si Brillante Mendoza para ipabatid din sa buong mundo ang mga sakripisyo at dedikasyon ng mga nag-aalaga sa mga maysakit at ipinanganak nga ang “Pagpupugay” short film na isang natatatanging tribute para sa mga “carers.”

Ayon pa kay direk, ang naging hamon sa kanya sa paggawa ng short film na ito ay maipamalas ng mga aktor ang mga tunay na emosyon na nararamdaman ng mga totoong nag-aalaga ng maysakit.

Bago pa ipalabas sa TV ang nasabing 2-minute film, mabilis na itong nag-trending sa social media. Ito ay nag-register na ng mahigit 2 million views sa official Facebook page ng RiteMed. Naka-post rin ito sa official website at YouTube channel ng RM.

“Maganda ang istorya, kaya naman ang kinailangan ko na lang gawin ay maipakita ng mahusay ang mensahe. Kakaiba rin ito dahil unang pagkakataon ko na makagawa ng proyekto para sa mga carers o mga nag-aalaga sa mga maysakit.

“Espesyal rin ito dahil tungkol ito sa mga unsung heroes sa ating lipunan. Madalas ay nalilimutan natin ang kanilang mga sakripisyo. Ang pag-aalaga ng maysakit ay nakakapagod emotionally, physically, at psychologically,” ayon pa kay direk Dante.

Naniniwala si RiteMED General Manager Vincent Guerrero na marami ang naka-relate sa “Pagpupugay” dahil aniya, “Lahat tayo sa isang punto ng ating buhay ay naalagaan na at nag-alaga na rin.”

Read more...