SIGURADONG pahahabain pa ng mga bossing ng GMA 7 ang special appearance ng Pambansang Bae na si Alden Richards sa fantaseryeng Encantadia.
Mas lalo pa kasing tumaas ang rating ng programa simula nang lumabas ang karakter ni Alden bilang si Lakan na isang Mulawin. Agad na nag-trending sa social media ang mga eksena ng binata sa Encantadia, lalo na ang pagkakasagip niya kay Danaya (Sanya Lopez). Talagang inabangan ng mga netizens, lalo na ng mga fans ni Alden ang paglipad ni Lakan sa serye last week.
At sa pagpapatuloy ng kuwento ng mga Sang’gre, siguradong marami pang dapat abangan ang manonood sa pagpasok ng karakter ni Alden. Siguradong tinutukan din ng viewers kagabi ang mga eksena ni Lakan.
Sa nakaraang episode, dumating nga ang Mulawin na tinawag ni Danaya, si Lakan. Humingi si Danaya at Lira ng tulong para makabalik sa Encantadia.
Pero dumating si Pirena (Glaiza de Castro) sa Carcero, ngunit ang nadatnan lang niya ay isang hafte (hepe) na sugatan, si Lanzu. Nakatakas na ang mga bilanggong diwata.
At sa tulong nga ni Lakan, ay nakapaglakbay sina Danaya at Lira papuntang Encantadia. Naibahagi rin ni Lakan na kaya rin siya tumulong sa mga diwata ay dahil nais rin niyang balikan ang ina at kapatid sa Encantadia.
Pinuntahan din ni Asval si Wahid para tanungin kung nasaan ang kaibigang si Ybarro. Hindi sinabi ni Wahid kaya napikon si Asval, pinagkaisahan nina Asval at ng mga tao niya si Wahid, hanggang sa napasuko nalang si Wahid at sasabihing dadalhin na sila kung saan sila Ybarro at sina Amihan.
Habang sinasanay naman ni Amihan ang batang-ligaw na si Paopao ay dumating ang mga bandido at huhulihin si Paopao. Pero bago pa makaporma si Amihan, inilabas ng ng bata ang ikalimang Brilyante mula sa kaniyang palad, at biglang nagbago ang anyo ni Paopao, isa na itong makisig na binata.
In fairness, ang cute-cute ni Paopao na unang napanood sa isang fabric conditioner commercial. Bagay na bagay sa kanya ang role bilang bibong bata na nangangalaga sa ikalimang brilyante na taglay ang lahat ng kapangyarihan ng apat na Sang’gre.