NAGPAKITA ng katatagan ang Far Eastern University Tamaraws para matakasan ang University of the Philippines Fighting Maroons, 51-49, sa kanilang UAAP Season 79 men’s basketball game Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Tumira si Monbert Arong ng krusyal na turnaround jumper may 14.6 segundo ang nalalabi para makaabante ang Tamaraws, 50-47, bago idikit ng Fighting Maroons ang iskor sa 50-49 mula sa putback ni Javi Gomez de Liano may 6.9 segundo ang nalalabi sa laro.
Nakahinga ang FEU matapos na maghulog ng isang free throw si Joe Trinidad may 4.1 segundo sa laro bago sumablay ang game-winning 3-pointer ni Dave Moralde sa pagtunog ng buzzer.
Bunga ng panalo, umangat ang Tamaraws sa 3-2 kartada at nakisalo sa ikalawang puwesto kasama ang Ateneo Blue Eagles, Adamson Soaring Falcons at National University Bulldogs na nagawang mapigilan ang ratsada ng University of Santo Tomas sa huling yugto para itala ang 75-68 panalo sa ikalawang laro.
Gumawa si Rodolfo Alejandro ng 16 puntos para pamunuan ang NU.