SIGURADONG nanginginig na sa takot ang 60 local celebrities na sinasabing kasama sa drug list ng pamahalaan at kasalukuyan nang iniimbestigahan ngayon ng otoridad.
Ayon sa ulat, 50 showbiz personalities ang diumano’y mga drugs user habang 10 naman ang pinaghihinalaang nagbebenta ng droga.
Sa panayam kay incoming Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Martin Dino sa isang media conference, kinumpirma nito ang nasabing drug list.
Ayon pa sa report, ilan sa mga celebrities na nasa listahan ay sumailalim na sa voluntary drug test. Naibigay na rin daw ang nasabing drug list kay Pa-ngulong Rodrigo Duterte.
Kamakailan, mismong si National Capital Region Police Office Director Chief Supt. Oscar Albayalde ang nagsabi na totoong nasa kamay na nila ang sinasabing celebrity drug list ngunit kasalukuyan pa nila itong bina-validate.
Nagsasagawa rin sila ng masusing imbestigasyon kaugnay ng mga pangalang ibinigay sa kanila ng mga nahuli at sumukong mga drug dealers at pushers na may koneksyon sa mundo ng showbiz.