Silent majority suportado paglilibing kay Marcos sa ‘Libingan’

HINDI makakaila na bagamat maingay ang mga tumututol sa pagpapalibing kay dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, mas marami ang pabor na maihimlay na ang mga labi ni Makoy.

Dahil sa suporta ng silent majority para sa tuluyang paghahatid kay Marcos sa Libingan, inaasahang hindi rin ito mapipigilan kahit pa sabihin na patuloy na dinidinig sa Korte Suprema ang mga petisyon na inihain ng ilang grupo at indibidwal laban sa hakbangin.

Kung ang magiging basehan ay kung sino ang mas marami sa pagitan ng pabor o ang tutol, obvious naman na mas nakalalamang ang nagsasabing nararapat lamang na ilibing si Marcos sa Libingan ng mga bayani.

Kung pressure lang siguro ang pag-uusapan at hindi aalintanain ang isyung politikal, marahin ay nandon na sa Libingan ng mga Bayani ang mga labi ng dating pangulo. Yun nga lang kasi patuloy ang pagharang ng iilang grupo dito.

Patuloy ang pagpapahayag ng suporta ng ating mga kababayan para tuluyan nang matuldukan ang isyu ng pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Kagaya na lamang ng suportang ibinibigay ngayon ng mga kababayan natin sa Australia, na naghanda na ngang umuwi sa Pilipinas para lamang makadalo sa paglilibing na una nang naitakda sana noong Set. 18, na hinarang naman ng Korte Suprema.

Hindi rin nagbabago ang posisyon ng grupong Ilocano Associations of Australia sa paniwala na hindi matatapos ang taon at tuluyan nang matutuldukan ang isyu, at maihahatid na rin sa kanyang huling hantungan si Marcos sa Libingan ng mga Bayani si Marcos.

Bukod sa ating mga kababayan sa Australia, nagpahiwatig din ng pagsuporta, maging ang mga Pinoy mula sa Hong Kong para sa Marcos burial sa Libingan.

Higit talaga na mas marami ang pabor para sa isang Marcos burial sa Libingan kumpara sa mas maingay na tutol na pinangungunahan ng mga dilawan.

Sa katunayan, kamakailan nga lang ay nagsagawa pa sila ng prayer vigil para nga tuluyan nang payagan ang pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Dinagsa ang nasabing vigil sa Bayanihan, Kennedy town noong Set. 18, ang araw na itinakda sana para sa libing ni Marcos. Kabilang sa mga dumalo ay ang mga miyembro ng Solid Loyalists International, Alcalenians Hong Kong, New Marcoseños Worldwide, Kabisig Society Hong Kong, Duterte Alliance Hong Kong at iba pang Ilocano associations.

Kabilang sila sa silent majority na umaasa na mawawakasan na ang isyung ito at tuluyan nang mailalagay sa tahimik ang mga labi ng dating pangulo na tama lang naman para sa kanya na dating pangulo at sundalo na naglingkod sa bayan.

Sadya lang maingay ang mga tumututol kaya nagmumukhang marami ang ayaw, pero kung pagsusuma-sumahin ang mga Pinoy na tahimik lang at payag sa pagpapalibing kay Marcos sa Libingan, di hamak na mas marami ang mga ito, at iyon ang inaasahan nating makikita ng Korte Suprema na siyang mag-uudyok sa kanila na ituloy na ang pagpapalibing sa dating pangulo sa Libingan ng mga Bayani.

Read more...