Ano ang gagawin kung may ibang GF ang BF? (2)

Sulat mula kay Gemma ng Malitbog, New Corella, Davao del Norte
Problema:
1. Mag-iisang taon na sana ang relasyon namin ng boyfriend ko sa darating na October 10, kaya lang ay bigla siyang nagbago. Hindi na siya masyadong pumapasyal sa bahay at madalang na rin siyang mag-text o tumawag. Hanggang sa nagpasya na akong kausapin siya at doon ko nalaman at inamin niya sa akin na may bago na raw siyang girlfriend, ka-officemate niya.
2. Humingi naman siya sa akin ng sorry pero hindi ko matanggap hanggang ngayon. Masakit pa rin ang loob ko kasi mahal na mahal ko siya. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang itanong kung magkakabalikan pa ba kami at kung hindi na, kailan kaya uli ako magkaka-boyfriend at magiging pang matagalan na kaya at kung kailan ako makapag-aasawa? February 2, 1992 ang birthday ko at September 3, 1990 naman ang boyfriend ko.
Umaasa,
Gemma ng Davao del Norte
Solusyon/Analysis:
Astrology:
Ang zodiac sign mong Aquarius (Illustration 2.) ang nagsasabing pagkatapos ng unang kabiguan sa pag-ibig, sa ikalawang pag-ibig na hatid ng isang lalaking isinilang sa sign na Libra, sigurado ang magaganap, habangbuhay ka ng liligaya.
Numerology:
Ang birth date mong 2 ay nagsasabing papalarin ka sa bilang na ikalawa. Kaya kung nabigo ka sa una mong boyfriend, tulad nang nasabi na, sa ikalawang pakikipag-boyfriend na nagtataglay ng birth date na 16, magiging tapat na siya sa iyo at panghabangbuhay mo na rin siyang makakasama.
Luscher Color Test:
Mananatili naman sa iyo ang magandang kapalaran kahit na pinagpalit ka ng boyfriend mo sa ibang babae, basta’t lagi ka lang magsuot ng damit na kulay berde at dilaw. Ang nasabing mga kulay ang muling magpapaganda ng iyong kapalaran.
Huling payo at paalala:
Gemma, ayon sa iyong kapalaran, okay lang na mawala at iniwan ka ng unang boyfriend mo dahil hindi naman talaga kayo ang sadyang laan para sa isat-isa. Oo, hindi compatible ang zodiac sign mong Aquarius sa zodiac sign niyang Virgo kaya kung magkatuluyan man kayo ay hindi magiging successful at hindi rin magiging maligaya ang relasyon ninyo. Kaya mas mabuti pang pahiran mo na ang iyong luha sa mga mata dahil sa buwan ng Oktubre, isang lalaking nagtatalay ng initial na R.S. ang darating. Ang lalaki na ngang ito na siyang itatalang ikalawang boyfriend mo ang tuluyan mo ng makakasama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabangbuhay na pamilya na nakatakdang mangyari at maganap sa taong 2019 sa edad mong 27 pataas.

Read more...