MAGKASAMA bilang mga Mulawin sa fantaseryeng Encantadia ng GMA sina Alden Richards at Miguel Tanfelix. Babalik ang dating karakter ni Miguel bilang Pagaspas sa original Mulawin series habang bagong karakter naman ang gagampanan ng Pambansang Bae.
Lumabas na si Alden last Wednesday sa Encantadia bilang si Lakan, ang tumulong kay Danaya (Sanya Lopez) para makaligtas sa mga kaaway.
“Nakapag-taping na po kami (ni Alden), medyo marami-rami rin pong naging exposures,” kuwento ni Miguel nang makachika ng media sa presscon ng bagong mini-TV series nila ni Bianca Umali na Usapang Real Love.
First time raw nilang magsasama ni Alden sa isang serye at napakarami raw niyang natututunan sa Pambansang Bae, “Si Kuya Alden po, very professional po siya. Pero kapag nakausap n’yo po siya, mapi-feel niyo na, ang galing. Si Kuya Alden, hindi pa rin nagbago after ng mga nangyari sa kanya.”
Sey pa ng binata, “May mga aral po akong napupulot sa kanya, like, huwag magbabago. Isa po yun sa pinakamagandang aral na napupulot ko sa kanya.
“Mahirap naman po kung naa-achieve niyo ang mga bagay, tapos mag-iiba ka ng ugali. Parang hindi siya magandang tingnan,” pahayag pa ni Miguel.
Noong Miyerkules nag-18th birthday si Miguel at plano niyang magbakasyon sa Singapore, pero hindi niya kasama si Bianca at ang pamilya niya, “Ako lang po mag-isa, pero pagdating ko po sa Singapore, doon po ako makikituloy sa tita ko.”
This is the first time na magta-travel siyang mag-isa kaya looking forward siya sa mga matututunan niya at mae-experience sa pag-iikot niya sa Singapore, “Magro-rollerblade po ako sa Singapore.”
Hindi na niya niyaya ang ka-loveteam niyang si Bianca dahil, “Family po kasi, parang treat ko rin po sa sarili ko na magbakasyon. Magbi-video call na lang po kami, like, ‘Nandito na ako sa Merlion,’ yung ganu’n po.”
Natanong naman si Miguel kung totoong may tampuhan at nagkakalabuan daw sila ni Bianca, sagot ng binata na nagulat sa isyu, “Kami po? Baka dahil lang po sa hindi kami madalas magkita, pero hindi po.”
Pero nag-level na ba ang relasyon nila bilang magkaibigan, “Hindi ko po masasabing nag-level up, yes we’re caring with each other. Sinusuportahan namin ang isa’t isa.”
Wala pa ba siyang balak ligawan ang dalagita, “Sa mga dumarating po na blessing sa amin ngayon, mahirap pong pagsabayin. Nag-aaral pa po kaming parehas. I’m just 18 and 16 pa lang po siya. Marami pa pong darating sa buhay namin. Pero friends po kami, very close friends po.”
q q q
Samantala, patuloy ang GMA Network sa pagbibigay ng mga bagong programa para sa kanilang loyal Kapuso viewers. At simula nga ngayong Set. 25, mapapanood na ang first-ever interactive rom-com series na Usapang Real Love (URL).
Ang URL ay isang extraordinary mini-series na pinagtatagpo ang social media at romantic comedies sa isang game-changing TV endeavour. Itatampok dito ang mga kakaibang kwento ng pag-ibig na pagbibidahan ng iba’t ibang Kapuso loveteams kung saan ang bawat istorya ay ipalalabas sa apat na weekly episodes.
Iniimbitahan ng URL ang netizens na abangan ang video challenges na ipo-post sa kanilang Facebook page na UsapangRealLove. Para maipadala ang kanilang video entry, maaaring i-message ito sa Facebook, i-tweet o i-post ang video sa Twitter o Instagram at i-tag ang @UsapangRealLove at lagyan ng hashtag na #MagpaFANSin. Ang mapipiling video ay isasama sa episode at mapapanood sa TV.
Tampok sa unang istorya nito na pinamagatang “Dream Date” sina Miguel at Bianca sa isang love triangle story kasama si Jak Roberto.
Makakasama rin dito sina Yayo Agila, Lloyd Samartino, Jade Lopez, Ces Quesada at Gene Padilla, sa direksyon ni Real Florido.
Sa ikalawang istorya ng URL abangan ang first team up nina Andre Paras at Mikee Quintos tampok ang kwento ng pagkakaibigan at pagmamahal na may titulong “Perfect Fit.” Makakasama naman nila rito sina William Lorenzo, Mickey Ferriols, Arra San Agustin, Jay Arcilla, Vince Gamad at Bekimon.
Mapapanood ang Usapang Real Love tuwing Linggo, simula Set. 25, 4:45 p.m. after GMA Blockbusters.