Idinetalye sa pagdinig ng House committee on justice ang pagtanggap umano ng pera ng noon ay kalihim ng Department of Justice na si Sen. Leila de Lima mula sa operasyon ng ipinagbabawal na gamot sa New Bilibid Prison.
Ginamit umano ni de Lima ang pera sa kanyang pagtakbo sa pagkasenador noong Mayo.
Ayon kay Rodolfo Magleo, isang dating pulis na guilty sa kasong kidnapping, sinabi sa kanya ni Jaybee Sebastian na aalisin sa Maximum Security Compound ng NBP ang ilang big time drug lord upang makontrol nito ang operasyon ng ipinagbabawal na gamot. Ang mga inalis ay tinaguriang Bilibid 19.
Sinabi ni Magleo na nalaman niya na P10 milyon ang ibinayad kay de Lima upang ilipat ang mga big time drug lord na “in-estafa” ni Sebastian. Kada buwan ay nagbibigay pa umano si Sebastian ng P1 milyon.
Isa umano si Sebastian sa nagbigay ng malaking halaga upang matulungan ang kampanya ni de Lima sa katatapos na halalan.
Ayon kay Magleo ipinagmamalaki ni Sebastian na malakas siya kay de Lima na bumisita pa umano sa kubol nito.
“Very vocal siya na malakas siya kay Sec. De Lima,” ani Magleo. “Papasok si Sec. De Lima sa kubol ni Jaybee Sebastian na sila lang dalawa. Yung mga bodyguards nasa labas, he said. “Mga two-to-three hours sila sa loob.”
Sinabi naman ni Herbert Colangco na kinausap siya ni Sebastian para sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot.
Nagbibigay umano si Colangco ng P3 milyon kay de Lima kada buwan at P1 milyon naman sa direktor ng Bureau of Corrections.
Ayon kay Colangco nakapagpasok siya ng 300 case ng beer at alam umano ito ni de Lima.
Ipinalabas rin sa pagdinig ng komite ang documentary video tungkol kay Sebastian na nagpapakita sa mga ginagawa nito sa loob ng NBP.
“The making of this video is with the blessing of the Department of Justice [during the past administration],” ani Justice Sec. Vitaliano Aguirre.
Ang documentary video ay ipinalabas sa Discovery Channel noong 2013 at kasama sa TV series na “Inside the Gangster’s Code”.
MOST READ
LATEST STORIES