De Lima sibak sa committee chair

de lima

NAPATALSIK bilang chairperson ng Senate committee on justice and human rights ang kilalang kritiko ng administrasyong Duterte si Senador Leila de Lima sa ginawang plenary voting.
Si de Lima ang nanguna sa pagdinig sa sunod-sunod na extrajudicial killing sa bansa na nasimula nang manungkulan bilang pangulo si Rodrigo Duterte.
Ginawa ang pagsibak sa senador matapos mag-mosyon si Senador Manny Pacquiao na bakantehin ang posisyon ng committee chairperson at mga miyembro nito na makaraang mag-deliber ng privilege speech ng kilalang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Senador Alan Peter Cayetano.
Sa botong 16-4, na merong dalawang abstention, idineklarang bakante ang posisyon ni De Lima na wala pang dalawang buwan niyang hinahawakan.
Pinalitan siya ni Senador Richard Gordon, habang itinalaga namang vice chair ng komite si Senador Panfilo Lacson.
Sa mosyon na ginawa ni Pacquiao, hiniling nito na bakantehin ang posisyon ng chairmanship ng komite na siyang nag-imbestiga sa diumano’y extrajudicial killings sa bansa simula nang maupo ang administrasyong Duterte.
Ginawa ito ni Pacquiao matapos ang privilege speech ni Cayetano na nagdetalye naman sa hindi umano maayos na pag-handle ni de Lima sa imbestigasyon tungkol sa sunod-sunod na patayan sa bansa.
Ang mga miyembro naman ng komite ay sina Pacquiao, Senador Juan Miguel Zubiri, Grace Poe, Kiko Pangilinan, de Lima at Cayetano.

Read more...