Male star lagot sa korte, pinahihirapan ang nanay ng anak sa pagkabinata

 

 

MARAMING hindi nagagandahan sa ipinakikitang hindi kaparehasan ng isang guwapong aktor sa nakaraan niyang nakarelasyon. Nagkaroon sila ng anak.

Nu’ng una ay idinedenay pa nga ng aktor na meron silang anak ng aktres, wala raw katotohanan ‘yun, hanggang sa lumantad na ang katotohanan.

Wala na siyang nagawa, magmumukhang nganga na siya kapag patuloy pa siyang nagkaila, lumabas din nu’n ang kuwento na hindi niya sinusustentuhan ang anak niya sa aktres.

Ngayon ay napakaraming kuwentong lumalabas tungkol sa aktor na maganda na ang kinikita sa isang network. Natural lang na kailangan na niyang magsustento sa kanyang anak, alangan namang iasa lang niya sa babae ang produkto ng kanilang nakaraan, dapat lang mahiya ang aktor.

Pero ibang klase pala ang aktor na ito. Marami siyang hinihingi, marami siyang hinahanap, kaya nabubuwisit na sa kanya ang pamilya ng babae.

Konting-konti na lang daw at mapupuno na ang salop, kailangan nang awasin ang anumang umaapaw na, kaya may naghihintay na aksiyon para sa guwapong aktor.

Kuwento ng aming source, “Saan ka naman makakakita ng lalaking naghahanap ng patotoo kung saan napupunta ang perang ibinibigay niya para sa bata? Lahat, kailangang may resibo?

“Nakakahiya naman ‘yun! Maliit na halaga na kundi pa iniutos ng korte, e, hindi niya pa nga ibibigay, kailangan pang maging kumpleto sa resibo ngayon?

“Ano ‘yun? Napakatindi naman ng ginagawa niya sa mommy ng bata na siya na ngang nag-aalaga, pero iniinsulto pa niya? Nakakahiya siya!” inis na kuwento ng aming impormante.

“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, nakakanerbiyos ang mga susunod na pangyayari. Baka matanggap na nu’ng aktor ang imbitasyon sa kanya sa piskalya dahil sa ginawang aksiyon ng punumpuno nang babae!” kuwento naman ng isa pang source.

Read more...