Ateneo Blue Eagles masusukat kontra Adamson Soaring Falcons

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. UST vs UP
4 p.m. Ateneo vs Adamson
Team Standings: La Salle (3-0); NU (2-0); Ateneo (2-1); Adamson (1-1); UST (1-2); FEU (1-2); UE (0-2); UP (0-2)

PILIT susundan ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ang maigting nitong huling panalo kontra sa nagtatanggol na kampeong Far Eastern University Tamaraws sa pagsagupa sa mapanganib na Adamson University Soaring Falcons sa tampok na laro ngayon sa UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Una munang magsasagupa ang season host University of Santo Tomas Growling Tigers kontra University of the Philippines Fighting Maroons ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng inaasahang magiging maigting na salpukan sa pagitan ng Blue Eagles at Soaring Falcons sa alas-4 ng hapon.

Huling nakalasap ng masaklap na kabiguan ang UST matapos mabigo kontra nangungunang De La Salle University Green Archers, 62-100, upang mahulog sa 1-2 panalo-talong karta habang nabigo rin ang UP sa nasabing koponan, 89-71, upang mapag-iwanan sa hulihan sa 0-2 kartada.

“Kung ano man ang mangyari sa atin, kalimutan na. Ito iyung time na mas lalo tayong magsama-sama. Hindi tayo puwedeng bumigay, tatlong games pa lang, mahaba pa ito,” nasabi lamang ni UST coach Boy Sablan matapos ang 38 puntos na kabiguan sa La Salle. “We also lost on our 40 turnovers.

Dagdag pa na problema sa Growling Tigers ang hindi paglalaro ni Mario Emmanuel Bonleon Jr. na idineklara na out of the season matapos magtamo ng ACL injury.
Asam naman ng Blue Eagles na masolo ang ikalawang puwesto sa paghahangad sa ikatlong panalo sa loob ng apat na laro matapos na huling gulantangin ang Tamaraws sa dominante nitong 76-71 panalo.

“We’re happy with the record, but we cannot celebrate for long, because we got a tough game against Franz (Pumaren) and Adamson,” sabi ni Ateneo head coach Sandy Arrespacochaga.

Unang tinalo ng Adamson ang UP, 104-85, bago nabigo kontra FEU, 75-65.

Read more...