MARAMING naloka sa mga kaartehang pinaggagagawa ng isang singer-actress na nagsimulang kumanta nu’ng bagets na bagets pa siya. Miyembro siya nu’n ng isang grupo pero pagkatapos nang ilang taon ay nag-solo na siya.
Kung husay sa pagkanta ang pag-uusapan ay magaling talaga siya, nasa dugo kasi niya ang pagiging singer, pero may kakaibang atake ang babaeng ito na ibang-iba sa mga kadugo niya sa mundo ng musika at pelikula.
Kakaiba ang kanyang ugali. Kung yes ang sinasabi ng marami sa kanyang paligid ay no naman ang gusto niya, palaging gusto ng female singer na ito na ibang-iba siya sa iba, palagi siyang ganu’n.
Nag-asawa ang babaeng personalidad, pero hindi sila nagtagal ng kanyang mister na musikero rin, mahirap daw kasing sakyan ang pagiging sumpungin ng singer-actress.
Kuwento ng aming source, “Paano naman makatatagal ang lalaki sa kanya, e, sa kasarapan ng tulog nu’ng tao, bigla na lang niyang gigisingin para bumili ng alak sa may kalayuan ding convenience store sa kanila?
“Palaging ganu’n, laklakera kasi ang girl, parang hindi makukumpleto ang buhay niya nang hindi siya nomo-nomo! At hindi siya magandang malasing, war freak siya, as in, inaaway niya ang lahat ng taong nakikita niya.
“E, sa condo sila nakatira, natural, marami silang kalapit-unit. Binubulabog niya ang lahat, maingay siya, maraming beses na siyang ini-report sa admin office ng condo.
“Kahit kapag may show siya, hindi siya puwedeng umakyat sa entablado nang hindi siya nakainom.
Tipsy siya palagi, mas maganda raw kasi ang performance niya kapag nasasayaran ng agua de pataranta ang lalamunan niya.
“Ang masakit lang, kahit tapos na ang turn niya at may iba nang kakanta, e, ayaw niyang tumigil sa kakakanta. Wala siyang pakialam sa kasunod niyang performer, basta kanta lang siya nang kanta na parang sa kanya lang ang entablado,” kuwento ng aming impormante.
“Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, mabilis n’yong matutumbok kung sino ang female singer na ito, promise! Aysus, kabarus, Vito Cruz, Sta. Cruz at iba pang mga kalyeng may krus!” napapailing na pagtatapos ng aming source.