Duterte iniutos ang pag-ambush kay de Lima — DDS member

DIREKTANG pinangalanan ng sinasabing miyembro ng Davao Death Squad na si Edgar Motabato si Pangulong Rodrigo Duterte na nag-utos na i-ambush si Senador Leila de Lima noong siya ay chairman pa lang ng Commission on Human Rights, at kanyang team noong 2009, matapos umpisahan nito ang pagiimbestiga sa kanilang vigilante group.

Ayon kay Matobato sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate committee on justice and human rights  hinggil sa walang humpay na extrajudicial killings, personal na kinausap ni Duterte na noon ay alkalde pa lamang ng Davao City, ang mga miyembro ng vigilante group para patayin si de Lima.

Nagtungo si de Lima, na noon ay CHR chairperson, sa quarry site na pag-aari ng dating pulis na si Bienvenido Laud sa Barangay Ma-a, Davao City, para hanapin ang sinasabing mass grave ng DDS victims mula July 2009.

“Noong hinukay niyo ‘yung sa (Barangay) Ma-a, inabangan ka namin. Pumasok kayo, naka-ambush position kami,” ayon  kay Matobato.

“Si Mayor Duterte po (ang nag-utos). Kinausap niya kami sa opisina namin,” na ang tinutukoy ay ang opisina ng grupo na tinatawag na “Heinous Crimes Section” sa ilalim ng tanggapan ng mayor.

Gayunman hindi natuloy ang ambush dahil hindi dumating sa lugar ang team ni de Lima.

“Pero hindi ka na pumasok sa office. Doon lang kami sa entrada. Hindi na namin kayo naabutan, ando’n kami sa taas,” he said.

Read more...