PINAGNINGNING ni Grandmaster Eugene Torre ang kampanya ng Philippine men’s chess team sa pagsungkit sa kanyang ikaapat na tansong medalya sa pagtatapos ng 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.
Itinala ng Sports Hall of Fame awardee na si Torre ang marathon na panalo kontra International Master Moulthun Ly ng Australia upang tumapos na walang talo sa pag-iskor ng 10 puntos mula sa posibleng 11 mula sa kanyang siyam na panalo at dalawang draw.
Tumapos sa ikatlong puwesto ang 64-anyos at nasa rekord na ika-23 na paglalaro sa kada dalawang taong torneo na si Torre sa board 3 sa itinala nitong 10 puntos sa 11 laro base sa percentage sa likod ng dating Pilipino at ngayon ay naglalaro sa Estados Unidos na si GM Wesley So (7.5 of 9) at GM Zoltan Almasi ng Hungary (8.5 of 10).
Itinala rin ni Torre ang pangunguna sa highest total ng lahat ng mga kasali sa 11-round na torneo subalit nagkasya lamang sa tanso dahil sa regulasyon ng torneo na igagawad ang gintong medalya sa kalahok na may iuuwing “highest performance rating”.
Napunta naman ang ginto sa dating miyembro ng Philippine men’s team at top board player GM Wesley So, na bitbit na ngayon ang bandila ng tinanghal na kampeong United States, na siyang tinanghal na may pinakamataas na performance rating na 2896, upang talunin sina Almasi (2845) at Torre (2836).
Ang tanso ni Torre ay tila nagsilbi na ginto matapos na ang beterano ng maraming labanan sa Olympiad ay nauwi ang unang medalya sapul na unang magwagi noong 1974 edition sa Nice, France kung saan nito nasungkit ang titulo bilang Asia’s first ever GM.
Ang medalya ay ikaapat ni Torre sa kanyang mahabang kasaysayan ng paglahok sa torneo matapos na unang maiuwi nito noong 1974 World Chess Olympiad sa Nice, noong 1980 sa La Valleta, Malta at noong 1986 sa Dubai, United Arab Emirates.
Hindi naman napigilan ni Torre ang kabiguan ng koponan na natamo ang 1.5-2.5 puntos kontra 45th seed Australia, na naghulog dito sa ika-58 puwesto na isa sa pinamasaklap na pagtatapos ng bansa sa torneo.
Nakihati si GM Julio Catalino Sadorra, na nagselebra ng ika-30 kaarawan, sa puntos kay GM David Smerdon sa board 1 habang nabigo sina GM John Paul Gomez at Rogelio Barcenilla, Jr. kina M Zhao Zong Yuan at IM Anton Smirnov sa board 2 at 4.
Tumapos naman ang 46th seed Philippine women’s team sa ika-34 puwesto mula sa kalahok na 140 bansa kahit na huling nabigo kontra sa 12th seed na Lithuania, 1-3.
Nabigo ang bagong WGM at IM candidate na si Janelle Mae Frayna (2281) kontra GM Viktorija Cmilyte (2536) na nasundan ng pagkatalo ni WIM Jan Jodilyn Fronda (2128) laban kay IM Deimante Daulyte (2421) at WFM Shania Mae Mendoza (1965) laban kay WFM Daiva Batyte (2189).
Tanging si WIM Catherine Secopito (2119) ang nagawang magwagi matapos talunin si WIM Salomeja Zaksaite (2298) na sumagip sa huling kampanya ng PH women’s team.