SIGURADONG may leksiyong natutunan ang mga artistang nagtatrabaho sa ABS-CBN sa nangyari kay Kris Aquino. Isang napakalaking ehemplo si Kris sa gasgas nang kasabihan na sa kahit anong larangan ng buhay ay walang hindi maaaring mawala at bumaba.
Walang nag-isip na ang isang tulad ni Kris ay mawawalan pala ng espasyo sa isang kaharian na dati niyang pinagrereynahan. Sino nga ba ang mag-aakala na sa laki ng kanyang pangalan ay puwede pala siyang pakawalan at hindi na habul-habulin?
Sino rin ang mag-iisip na ang sinasabing pinakamalaking bituin ng network ay puwede palang mawalan ng ningning sa panukat ng istasyon isang araw?
Lumalagapak ang sakit nu’n para kay Kris. Ang kapaniwalaan kasi nu’n ng mas nakararami ay mawawalang lahat ang mga artista ng ABS-CBN, puwera lang sa aktres-TV host, dahil ang kanyang pamilya ang muling nagbalik sa istasyon sa mga may-ari.
Pero walang tamang akala, nawalan ng saysay ang mga kuwento, kaya ang mahigit na dalawang dekadang ginugol ni Kris sa bakuran ng Dos ay isang kasaysayan na lang ngayon.
Matinding aral ‘yun para sa mga personalidad na nag-iisip na ang kanilang popularidad ay may forever, na puwede na nilang gawin ang lahat dahil sikat sila ngayon, matuto sana sila sa sinuong na kapalaran ni Kris Aquino.