Pagpapaliban ng Barangay at SK polls aprubado na rin sa Kamara

 house of representatives
Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan election.
     Sa botong 218-4 at walang abstention, inaprubahan ang House bill 3504.
     Nakasaad sa panukala na naka-hold over capacity ang mga halal na opisyal ng Barangay hanggang sa mailuklok ang mga bagong halal.
     Ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections ay idaraos sa ika-apat na Lunes ng Oktobre 2017.
     “Subsequent synchronized Barangay and Sangguniang Kabataan elections shall be held on the second Monday of May 2020 and evert three years thereafter,” saad ng panukala.
     Nauna ng inaprubahan ang panukala sa Senado.
      Mayroong panukala si House Speaker Pantaleon Alvarez na alisin na ang mga kagawad sa barangay at palitan ang mga ito ng purok leader.
      Sinabi ni Alvarez na kung mayroong ordinansa na kailangan ang barangay ay maaaring hilingin na lamang ito sa munisipyo o city hall.
     “Bakit kinakailangan pa ng barangay kagawad? Bakit kailangan pang gumawa ng barangay ordinances, na pwede naman kung meron kang gustong ordinansa na ipatupad, pwede mo namang i-request yung municipal council para gumawa nito,” ani Alvarez.
     Ang sinusuweldo umano ng mga barangay kagawad ay ibigay na lamang umano sa mga barangay health worker, tanod at iba pang naglilingkod sa publiko.
     Nais naman ni Alvarez na buwagin na rin ang SK dahil “lahat naman ng sector ngayon sa atin ay over-represented na.”

Read more...