MALAKAS ang tinig ng Progressive Labor Union of Domestic Workers sa Hongkong na kinabibilangan ng mga kasambahay na iba’t-ibang mga lahi.
Nais ng grupo na isama ang working hours sa kontrata ng mga domestic helpers upang may basehan nga naman daw sila kapag nagkainitan na.
Dapat, anya ng grupo, nakasulat na kung gaano kahaba ang oras ng kanilang pagtatrabaho sa bahay ng kanilang mga amo.
Nais nilang isumite ang naturang proposal sa Legislative Council ng Hongkong upang ma-specify na nga naman ang oras ng kanilang trabaho sa kanilang mga kontrata.
Ayon kay Grace Estrada ng Labor Union, mas malaki ‘anya ang tsansa na maipasa ang probisyon sa bawat may hawak ng kontrata na nakasaad doon ang haba ng oras ng kanilang trabaho sa halip na maagkaroon ng standard working hours para sa mga domestic helper.
Ang katotohanan, mahirap talagang mapigilan ang mga trabahong bahay. Halos wala ngang katapusan ang mga gawaing-bahay.
Sabagay kung nakasaad na ang haba ng oras at umabot na sila doon sa itinakda, may karapatan nang huminto na muna ang domestic worker at magsabi sa among magpapahinga na muna siya at itutuloy na lang ang naiwang trabaho kinabukasan.
Sa mga among may konsiderasyon, walang problema ang oras na itinatakda. Dahil sila pa nga ang magkukusang magsabi at pilitin ang kasambahay na mamahinga na muna.
Gayong hindi lang maiwasan, paminsan-minsan, kung halimbawang may mga kailangang tapusing trabaho kahit late na sa gabi, maaaring bumawi na lamang ng pahinga ang ating OFW at kung may nakasaad sa kontrata, maaasahang irerespeto naman iyon ng kaniyang employer.
May mga pagkakataong halimbawa lalabas ng weekend ang kaniyang mga amo at kailangang iwanan sa domestic helper ang kanilang anak, maaaring nasa usapan na rin iyon sa pagitan ng mag-amo lalo pa’t may araw namang nakatakda bilang day-off ang ating mga OFW sa Hongkong.
At wala talagang palya sa pagde-day off ang ating mga OFW. Lalabas at lalabas talaga sila ng kanilang bahay. Kung nais nilang magpahinga, may mga lugar na istambayan ang mga iyon kasama ng kanilang mga kapwa OFW.
Sa Hongkong, malakas na naipatutupad ang batas at alam na alam ng ating mga OFW doon ang kanilang mga karapatan.
OFW ka ba o kamag-anak ng OFW, at may problema? Maaring lumiham kay Susan Andes c/o Bandera, MRP Building, Mola corner Pasong Tirad streets, Makati City o kaya ay mag email sa inquirerbandera2016@gmail.com