ISA sa sanhi ng trapik sa Metro Manila ang pagbaba at pagsakay ng mga pasahero kung saan-saan.
Hindi katulad sa ibang bansa kung saan mayroong nakatakdang sakayan at babaan.
Meron din naman tayong ganyan dito, hindi nga lang naipatutupad nang husto.
Ang mga pampasaherong jeepney at bus ay nag-uunahan sa mga pasahero. Masisisi ba natin sila e gusto rin nilang kumita?
Nag-uumpukan sila kung saan maraming dumaraan dahil doon mas malaki ang tiyansa na may sumakay sa kanila.
Noong panahon ni Pampanga Rep. Gloria Arroyo sa Malacanang naalala ko na inilunsad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang prangkisa ng UV Express.
Napansin kasi noon na sumasali sa agawan ng pasahero ang mga FX taxi kaya mas tumatambak ang mga sasakyan na dumadagdag sa pagbigat ng daloy ng trapiko.
Ang layunin ng UV Express ay magsakay ng pasahero sa terminal at hihinto lamang sa kabilang terminal. Mas mabilis na biyahe ito para sa mga pasahero dahil hindi na hinto ng hinto sa bawat kantong dinaraanan.
Katulad ito ng point- to-point operation ng piling bus ngayon.
Kailangan nga lang pumunta ng mga pasahero sa kanilang terminal. Kapag napuno ang sasakyan, mabilis na ang biyahe at para kang naka-taxi.
Pero sa pagkawala ng mga FX taxi sa kalsada, mistulang pinalitan naman sila ng UV Express.
Nawala na ang point- to-point operation nila. Nagsasakay na rin sila ng mga pasahero kung saan-saan gaya ng mga jeepney.
Bukod pa rito ay ginaya na rin nila ang mga jeepney na nagka-cutting trip.
Mayroong mga UV Express na ang biyahe— batay sa nakasulat sa labas ng kanilang sasakyan— ay Cubao-Rodriguez, Rizal o Sta. Lucia-Rodriguez (hindi po yung karatula).
Pero hindi sila tumutuloy sa Montalban (hindi naman lahat meron din namang nagtitiyaga sa trapik at nakikipagsabayan sa mga patok na jeepney). Marami sa kanila ay bumibiyahe hanggang sa San Mateo lang. Kadalasan sa may Prima Blend Bakery o dun sa car wash sa tapat ng isang gym sa Gen. Luna sa Brgy. Guitnang Bayan.
Malinaw naman na hanggang sa Rodriguez sila dapat o baka naman mali ang sticker na nakalagay sa kanilang sasakyan.
Hindi rin naman siguro sila nagpapa-car wash kada biyahe. Wala rin namang terminal doon. O baka naman ang terminal nila ay ang car wash.
Sa iba’t ibang lugar sa Gen. Luna st., sa bayan ng San Mateo sa Rizal ay nakakabit ang mga tarpaulin na nagsasabing bawal magmotorsiklo ng walang helmet. Ang multa ay P500.
Pero marami pa ring dumaraang nagmomotorsiklo na walang helmet.
At ang masakit (sa mata), dumadaan ang mga ito sa tapat ng mga traffic enforcer na pinapasuweldo ng munisipyo. Hindi mana lamang sila pinupuna, wala lang.
Hindi ko alam kung tamad lang talaga silang manghuli, hindi sila binigyan ng karapatang manghuli, ayaw nilang sumunod sa utos sa kanila, o baka naman kakilala nila kaya pinapalusot nila.
Pinapabayaan na nga nila ‘yung mga motorsiklo na tatlo o apat ‘yung sakay at minamaneho ng estudyante na malamang ay wala pang lisensya, sana naman ay sitahin naman nila ‘yung mga walang helmet.
Alam naman siguro ito ng munisipyo dahil mayroong CCTV sa lugar. O baka sira ang CCTV