MAY masama ba sa pahayag na isusulong ng kasalukuyang pamahalaan ang isang independent foreign policy na nakabatay sa soberenya ng estado at kawalan ng kontrol ng alinmang bansa, gaano man ito kayaman at kamakapangyarihan?
I see nothing wrong with that statement. In fact, sa tingin ko, dapat pa nga itong suportahan, palakasin at pagtibayin.
Pero ang totoo, sa tingin ko, ay nagkakabiglaan lang. Hindi akalain na ang diretsahang pananalita at talas ng dila ni Rodrigo Duterte noong panahon ng kampanya ay dala-dala niya ngayong siya na ang pangulo ng Pilipinas.
Walang filter, walang preno-preno, as is where is. You can’t change him anymore. No amount of PR or public relations work can undo or reinvent what he is. Duterte is the CHANGE.
Alisin o isantabi ang mga pagmumura, ang brusko at ang pagiging butangero; pagtuunan lamang iyong nilalaman at konteksto ng kanyang mga salita lalo na kapag usaping may kinalaman sa kasaysayan ang paksa, hindi ba tama naman ang sinasabi niya?
Palpak ba ang datos? Hindi ba factual? Totoong ang mga bagay na binabanggit niya ay nakaraan na at masasabing naghilom na sa matibay na ugnayan ng Pilipinas sa Amerika, ngunit may mali ba na banggitin ito o ibalik ang alaala nito kung ang pakay ay bigyang diin na teka muna, matagal na kaming wala sa inyong kontrol, matagal na kaming hindi ninyo nasasakop.
Ang problema, baka nga hindi naman talaga nakalas, at haggang ngayon ay nanatili ang impluwensiya.
Ang kaso, ngayon lamang may titindig na patunayang, wala na nga sa kontrol ng alinmang bansa ang interes ng Pilipinas.
By articulating an independent foreign policy, it does not mean that we will exist without the cooperation and alliances with other countries. Definitely not and there is no need to expound on this since this is as they say—elementary. Ang tingin ko, may istratehiya sa mga galaw at mga pananalita ni Duterte para maiwasang maipit ang bansa sa tunggaliang interes ng China at ng Estados Unidos lalo na sa usapin ng South China Sea o sa West Philippine Sea.
Oo, usapin ito ng teritoryo, pero oo, labanan din ito ng interes ng tunay na malalaki at makapangyarihang bansa at hindi tayo kasama doon. Iba ang interes ng soberenya at teritoryo na dapat na pangalagaan at ipaglaban, iba naman ang interes ng kapangyarihan at impluwensiya na tunggaliang pinaglalabanan din sa usapin halimbawa ng West Philippine Sea o South China Sea.
Kalkulado niya ang kanyang galaw, yan ang tingin ko. Hindi lang tayo sanay na ang mga bagay na hindi pinaguusapan noon, tinatalakay ngayon. Sinumang lider na mangunguna sa Pilipinas, ang mga polisiya ay dapat nakabatay sa kung ano ang saysay ng kasaysayan ayon sa pananaw ng mga Pilipino.
At bigyan dapat ng suporta at ayuda ang kanyang pinangungunahang mamamayan ang polisiyang ito.
Hindi lang tayo sanay. Hindi lang natin akalain na ganyan talaga siya. Ngunit, ako, tiwala akong may magandang kahihinatnan ang lahat ng mga hindi tayo sanay na galaw ni Pangulong Duterte. Wala pa siyang 100 araw sa puwesto. Chill. Let him govern and lead.
Nagkaroon nga tayo ng pinuno na noon, pinipilit nating kumilos at umaksiyon, pinagbigyan natin. Natiis natin. Let him be and be the kind of leader he is, “intellectually courageous” as described by political analyst Professor Clarita Carlos. Hayaan natin siya. Pagtiwalaan natin siya. Chill!