HINDI maganda sa isang doktor o nars na nakatawa o nakangiti kapag ibinabalita sa kamag-anak ng isang pasyente na siyaý pumanaw na o agaw-buhay ang kanyang kalagayan, ani Dr. Ernesto Tayag.
Si Tayag ay spokesman ng Department of Health.
Namimilosopo yata itong si Tayag o nagbibiro.
In any case, di maganda ang tinuran niyang yan.
Ang pagiging masungit ng karamihan ng doktor at nars sa mga government hospitals ay isiniwalat ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves at iba pang mga kongresista sa hearing ng House appropriations committee.
Sinabi ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial, na dumalo sa hearing, na plano niyang maglagay ng “ghost patients” o espiya sa mga government hospitals upang malaman kung paano ang trato ng mga medical staff sa mga pasyente.
Ang sinabi ni Teves ay karamihan sa mga doktor at nars ng government hospitals ay palaging nakasimangot at masungit sa kanilang mga pasyente.
Dapat naman, ani Congressman Teves, ay palaging nakangiti at palabati ang mga doktor at nars ng government hospitals.
Napag-alaman sa mga pag-aaral na mabilis gumaling ang isang pasyente kapag maganda ang relasyon niya sa kanyang doktor.
Kaya’t tama lang ang tinurang yun ni Teves.
Pero may pagka-pilosopong Tasyo itong si Dr. Tayag sa kanyang sinabi na hindi sa lahat ng sandali ay dapat nakangiti ang isang doktor o nars.
Si Dok, naman, parang timang!
Siyempre, sino namang gagong doktor o nars ang ngingiti o tatawa kapag inilalahad sa kamag-anak ng kanilang pasyente ang masamang balita.
Baka pinatay sila ng kamag-anak ng pasyenteng pumanaw o malubha.
Alam kaya ni Dr. Tayag ang kasungitan ng mga doktor, nars at maging mga nursing attendants at guwardiya sa mga pasyente at dalaw sa government hospitals?
Diyan sa Rizal Medical Center sa Pasig City, maraming taon na ang nakaraan, nasaksihan ng isang nursing student na nagpa-practicum doon ang pagsabunot ng isang doktora sa isang pasyenteng nanganganak.
Na-shock ang nasabing nursing student at sinabi sa kanyang mga magulang—na nakarating naman sa akin —ang tungkol sa pagmamaltrato ng doktora sa pasyente.
Nang mailabas ko sa aking column dito sa Bandera at INQUIRER ang nasaksihan ng batang nursing student, nag-imbestiga ang ospital.
Hindi nag-imbestiga kung sino ang doktora kundi kung sino ang nagsumbong sa inyong lingkod.
Nalaman nila na nanggaling sa batang nursing student ang ibinalita ko.
Isinumbong ang estudyante sa kanyang nursing school, isang tanyag ng university sa Maynila.
Alam ba ninyo ang nangyari?
Inexpel ang kawawang estudyante ng kanyang university!
Kung hindi pa ako nakialam ay baka hindi naka-graduate ang bata sa university.
Maging si Agriculture Secretary Manny Piñol ay nakaranas ng kabastusan ng isang doktora sa Philippine General Hospital (PGH) noong siyaý sports columnist pa ng isang pahayagan.
Dinala na duguan si Pinol sa PGH emergency room matapos maaksidente ang kanyang sinasakyan.
Matagal-tagal nang nakaupo si Pinol sa emergency room pero hindi pa siya inaasikaso.
Maraming dugo ang lumabas kay Manny at siyaý nahihilo na kaya’t tinawag niya ang isang babae na nakasuot ng gown.
“Miss, please, asikasuhin mo naman ako,” ani Manny sa babae.
Sinagot siya ng babae ng pabalang, “Hoy, hindi ako Miss, doktora ako dito.”
Sa aking programang “Isumbong mo kay Tulfo,” ako at aking staff ay marami nang natanggap na reklamo tungkol sa kabastusan o kawalan ng simpatiya ng mga doktora sa kanilang mga pasyente sa mga government hospitals.
Pangkaraniwan na ang pagiging bastos ng mga doktor at ibang staff sa mga pasyente sa government hospitals.
Ang dahilan diyan ay mahihirap kasi ang nagpapagamot sa public hospitals.
Eh, noong araw ay poor pa si Pinol, isa siyang karaniwang manggagawa at hindi pa naging gobernador ng North Cotabato, kaya’t napunta siya sa PGH sa halip na private hospital.
Ngayong nasa gobiyerno na si Secretary Pinol ay dapat ikuwento niya kay Health Secretary Ubial ang mapait niyang karanasan sa PGH upang malaman ng kalihim ng kalusugan ang kabastusan ng mga staff ng government hospitals.