Female star wala nang ginawa kundi magreklamo, bagong ‘Patola Queen’

 

HINDI maganda ang naging resulta ng pagtutok ng isang female personality sa social media. Mula nang makaugalian niya ang pagpo-post ng kanyang mga emosyon ay maraming nakahalata na nangangailangan na siya ng pansin, sa madaling salita, KSP na ang kilalang aktres.

Lahat na lang kasi ng mga nangyayari sa buhay niya ay isinasapubliko ng babaeng personalidad, marami siyang reklamo, kung anu-anong salita ang ginagamit niya para makapaglabas siya ng damdamin.

Nandiyang naiinis siya sa matinding traffic, naaasar siya sa isang ahensiya ng pamahalaan, kung minsan naman ay may pintas siya sa ibang personalidad at kung anu-ano pang sitwasyon.

Kuwento ng isang miron, “Sana, hindi na lang siya nakisali sa mga artistang todo ang pagtutok sa social media. Bumababa kasi ang premium niya dahil kapag may kumokontra sa kanya, may-I-sagot ang girl!

“Nakikipagbakbakan siya, talagang nakikipaglaban siya, hindi na lang niya i-delete o i-block ang mga pumapansin sa kanya. Nagiging one of those na lang tuloy siya, samantalang dati, e, maraming nagkakainteres kung nasaan na ba siya?

“Ang dami-dami kasi niyang kiyaw-kiyaw, reklamo siya nang reklamo, wala na kayang magandang nangyayari sa buhay niya ngayon? Aba, nangangailangan na nga siya ng pansin, KSP na KSP na siya!” komento ng aming source.

Dati nang pinupog sa social media ang dating napakaseksing aktres na ito dahil sa hidwaan nila ng isang nakababatang sexy star. Nakatikim na siya ng mga pamba-bash, pumapalag ang aktres, marami siyang nakalaban sa social media nu’n.

Pagtatapos ng aming impormante, “Naku, Bradly Guevarra, pangaralan mo ang lola mo na magtigil na, manahimik na lang siya, sayang na sayang naman ang maganda niyang pagbabalik sa pag-arte!”

 

Read more...