SUMAGWAN ang Dragonboat Team ng Philippine Canoe Kayak Federation (PCKF) ng kabuuang 2 ginto, 1 pilak at 2 tanso sa pagsabak nito sa ginaganap na International Canoe Federation (ICF) World DragonBoat Championships 2016 na ginanap Setyembre 8-11 sa Moscow, Russia.
Idinagdag ng national paddlers ang ikalawa nitong gintong medalya sa 10-seater Junior Mixed 200m sa pagtala ng pinakamabilis sa oras na 00:50.853 upang talunin ang host na Russia (00:52.493) at Canada (00:53.654) pati na rin ang Ukraine, Germany at Czech Republic.
Nabitawan naman nito ang ikatlo sanang ginto sa 10-seater Junior Mixed 500m matapos na kapusin kontra Russia na itinala ang oras na 02:10.508. Gabuhok lamang ang agwat nito sa Pilipinas na may itinalang 2:11.839 habang ikatlo ang Ukraine na may 2:13.428 oras. Ikaapat hanggang ikaanim ang Canada, Germany at Hong Kong.
Nagkasya naman ito sa dalawang tanso matapos na pumangatlo lamang sa 10-seater Senior Mixed Team 200m sa likod ng Russia (00:49.816) at Thailand (00:50.024). Isinumite ng Pilipinas ang oras na 00:50.358.
Pumangatlo rin ito sa 10-seater Senior Mixed 500m kontra Russia (2:07.471) at Thailand 2:08.761). Mayroon itong itinalang oras na 2:09.854.
Ang delegasyon ay binubuo nina Jonne Go, Diomedes Manalo, Norwell Cajes, Chiva Angela Abanilla, Apple Jane Abitona, Raquel Almencion, Rossel Burgos, Patricia Ann Bustamante, Sheryl Caang, Maribet Caranto, Rosalyn Esguerra, Glaiza Liwag, Ella Fe Niuda, Rhea Roa, Kim Gabriel Borromeo, Jordan De Guia, John Lester Delos Santos, Fernan Dungan, Franc Feliciano, Ojay Fuentes, Alex Generalo, Hermie Macaranas, Oliver Manaig, Roger Kenneth Masbate, Reymart Nevado, Daniel Ortega, Lee Robin Santos, John Paul Selencio, Jerome Solis at Christian Urso.
Unang hinablot ng pambansang koponan ang ginto sa unang araw ng torneo sa 20-seater Senior Mixed 500 meters kung saan binigo ang lima pang matitinding koponan sa torneo na kinukunsiderang kasing halaga ng katatapos lamang na 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Itinala ng Pilipinas ang kabuuang 01:55.992 oras upang talunin ang host Russia na may isinumiteng 01:56.075 oras at ang pumangatlo na Thailand na may oras na 01:56.546.
“Medyo malakas talaga tayo sa sprints and middle distance, pero malaki pa din ang puwede natin iimprove,” sabi lamang ni PCKF national head coach Lenlen Escollante sa panalo.