ISA pang kilalang personalidad na ginagawang pulutan ngayon sa social media ay si Jim Paredes na miyembro ng kilalang APO Hiking Society.
Sa lahat ng mga nababasa naming komento ng singer-composer at balik-mensahe sa kanya ng mga galit na galit na tagasuporta ng mga personalidad na binibira niya ay may naglalarong tanong sa aming isip.
Wala bang pinagkakaabalahan ngayon si Jim Paredes? Oo nga’t hindi na aktibo ang kanilang grupo sa paggawa ng album ay wala kaya siyang ibang sinentruhan para maging kapaki-pakinabang ang kanyang panahon sa araw-araw?
Bakit kaya masyadong nakadukdok ang ulo niya ngayon sa pagbira-panglalait sa mga pulitikong hindi niya gusto at kakampi? Magaling siyang kumanta, mas magiging produktibo ang kanyang maghapon kung ‘yun ang kanyang gagawin, hindi ang palaging pakikisawsaw sa likaw ng bituka ng pulitika.
Ayan tuloy, nasasabihan siyang laos, wrangler na kasi at baka nag-uulyanin na kaya kung anu-ano na lang ang kanyang ginagawa at sinasabi.
Galit na galit kay Jim ang mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang mga nagmamahal kay Senador Manny Pacquiao, dahil wala na siyang inatupag kundi ang hanapan ng kakulangan ang dalawang pulitiko.
Tanong kay Jim Paredes ng mga tagadepensa ng dalawa, “Ikaw, bukod sa pagkanta na pinagkakitaan mo nang husto, may nagawa ka na bang maganda para sa bayan mo? Puro pangpersonal lang naman ang interes mo!
“Ganyan na ba talaga ang tao kapag tumatanda na at nalalaos na? Ma-nalamin ka nga!” Simple lang naman pala ang ginagawa ng singer kapag may mga umaatake sa kanya, pindut-pindot lang, delete-block.