Matabang male singer ayaw nang kunin ng mga producer dahil sa sobrang kaartehan

BLIND ITEM MALE 0513

IWAS na iwas na ang mga show promoter-producer sa pagkuha sa serbisyo ng isang magaling pa namang male performer.

Sayang talaga dahil ibinibigay niya ang lahat-lahat para sa audience, pero may kakaibang kaartehan ang lalaking singer na ito, ‘yun ang dahilan kung bakit halos ayaw na siyang kunin sa mga pamprobinsiyang shows.

Nu’ng una ay ang kanyang manager ang kinaiinisan ng mga nagdadala ng shows sa malalayong probinsiya, napakarami kasi nitong hinihingi, parang OA na ang mga kaartehan ng manager.

Pero ang mismong male singer pala kasi ang maarte, ang humihingi ng kung anu-ano, samantalang ang mga mas sikat ngang singers ay hindi umaarte ng ganu’n?

Kuwento ng isang show promoter, “Ang gusto niya, e, hiwalay siya ng hotel sa mga kasamahan niyang performers. Kailangang malayo rin ‘yun sa city, outskirt ang gusto niyang lugar, ayaw raw niya sa maingay na kapaligiran.

“E, teka lang naman muna! Sino namang negosyante ang magpapatayo ng hotel sa malalayong lugar? Natural, sa city sila magpapatayo dahil nandu’n ang aksiyon, di ba?

“Saka ano naman ang problema kung may kaingayan sa city, e, kung ang marami ngang sikat na singers, e, du’n din naman tumitira nu’ng mag-show sila du’n?

“Ano rin ang problema kung magkakasama lang sila sa isang hotel ng mga co-singers niya, may problema ba naman du’n, e, hindi naman siya inaabala sa hotel room niya?

“Maarte ang male singer na ‘yun, magkasing-arte lang sila ng manager niya!” nakataas ang kilay sa 10th floor na kuwento ng aming source.

Sino ang nawalan ng raket, sino ang iniiwasan nang kunin ngayon ng mga promoters, sino ang nagtampo sa bigas? Sino ang nabawasan ang kinikita?

“Naku, Bradly Guevarra, pangaralan mo ang masyubang male singer na ‘yan na ubod nang arte, ha?

Tama na ang pagbirit niya ng kung anu-anong kaartehan para nakukuha siya sa mga shows!” pagtatapos ng aming impormante.

Read more...