#GoodVibesPaMore!

SINO bang nagsabi na pawang mga bad news lang ang palaging laman ng mga balita?

Oo, sabihin na natin na kadalasang laman ng mga balita sa pahayagan, radyo, telebisyon, online at social media ay pawang negatibo. Pero sa kabila ng mga ito, natural pa rin sa mga Pinoy ang makakuha ng positibong vibe para makatugon sa mga hamon at hirap ng buhay.

Kamakailan lang lumabas ang balita na ang Pilipinas ang may pinakamasayahing manggagawa sa Asya.

Isang bagay na hindi natin aakalain, pero totoong-totoo naman.

Ang Happiness Index na kinalap ng online employment portal na JobStreet ang nagsasabi na ang mga

Pinoy ang pinakamasaya sa kanilang trabaho kumpara sa anim na bansa sa Asya.

Sa scale na 1-10, 1 ang “extremely unhappy” at 10 ang “extremely happy”, nakapagtala ang mga Pilipino ng average na 6.25 points, na sinundan naman ng Indonesia.

Ang mayamang bansa na Singapore ay kulelat sa listahan.

Nakatutuwa hindi ba?

Sinong makapagsasabi na ganito pa rin kapositibo ang mga Pinoy, partikular na ang mga working Pinoy?

Iyan ay sakabila na sadyang maliit ang suweldo ng marami sa ating mga manggagawa; nariyan pa rin ang patuloy na “endo” at contractualization, at pang-aabuso ng mga kapitalista at gahamang negosyante.

#GoodVibesPaMore ang dala ng bawat Pinoy para maitawid ang bawat hamon ng buhay, alang-alang sa pamilya.

Hindi lang ‘yan, kabilang rin ang Pilipinas sa top 20 happiest places in the world, base naman sa ulat ng Happy Planet Index na ginawa ng New Economic Foundation.

Parang hindi mo rin aakalain na sa kabila ng mga negatibong balita na meron sa bansa, gaya nang maya’t mayang balita ng patayan na sinasabi pa ngang extrajudicial killing, kakulangan sa trabaho at equal opportunity sa bawat mamamayan, kahirapan, walang katapusang trapik, bakbakang kaliwa’t kanan sa mga kanayunan; bakit masaya pa rin ang mga Pinoy?

Kung tutuusin, ang mga bansang pasok sa top 20 happiest places ay hindi masasabing sadyang mayayamang bansa kung ikukumpara sa mga bansa sa Europa at maging sa Estados Unidos?

Totoo ngang hindi lahat nang nabibili ang magdudulot sa iyo ng kasiyahan. Hindi yaman ang batayan ng kasiyahan. Kadalasan pa nga ang mga bagay na libre ang siyang nakapagbibigay nang ganap na kasiyahan at pampa-good vibes.

Gayunman, hindi dapat tumigil sa pagsikhay na makaangat sa buhay! Dala ang good vibes, dapat patuloy umikot ang buhay na puno ng pag-asa, pagtitiwala na sasangkapan ng pagsisikap, pagtitiyaga at determinasyon.

Read more...